Patay na nang natagpuan sa kanilang tahanan ang mag-asawang senior citizen sa Barangay Kaatuan, Lantapan, Bukidnon.
Ayon sa mga ulat, napag-alamang kapuwa nasa edad 66 taong gulang ang mga biktima na natagpuang puno ng mga tadtad ng taga sa katawan.
Samantala, batay sa inisyal na imbestigasyon ng Lantapan Municipal Police Station, nagtamo ng mga taga sa iba't ibang parte ng katawan ang mag-asawa kung saan maging ang maselang bahagi ng lalaking biktima ay natukoy na pinutol din.
Hindi pa tukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek at kung ano ang motibo sa karumal-dumal na pagpatay sa dalawang biktima.
Nanawagan naman ang mga awtoridad sa publiko sa posibleng makapagtuturo ng lead sa suspek. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.