December 13, 2025

Home BALITA National

Heidi Mendoza, may liham para kay Vince Dizon

Heidi Mendoza, may liham para kay Vince Dizon
Photo courtesy: Heidi Mendoza/FB, Department of Transportation - Philippines/FB

Sumulat ng isang ‘open letter’ ang dating komisyuner ng Commission on Audit (CoA) na si Heidi Mendoza para sa kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si Vince Dizon.

Ibinahagi ni Heidi sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Agosto 5, 2025, ang nasabing liham, na tumatalakay sa kaniyang mga suhestiyon at rekomendasyon ukol sa sistema ng Light Rail Transit (LRT).

“Ipagpaumanhin mo ang sulat ko. Lubhang nainip ako kanina sa LRT kaya naisipan kong mag-audit! Wag kang mag-alala, hindi ito fraud audit, pwede ng tawagin 3Es, Economy, Efficiency at Effectiveness!,” ani Mendoza sa kaniyang caption.

“This is not meant to embar[r]ass, rather I'm hoping this will help you convince Congress to increase your maintenance budget,” dagdag pa nito.

National

'Admin, Duterte group, liberal groups dapat magkaisa para sugpuin korapsyon!'—Ex-PNR Chair Macapagal

Lumikha ng listahan ng kaniyang mga naging obserbasyon ang dating commissioner patungkol sa LRT:

Una, nagsalita si Mendoza tungkol sa kakulangan sa stored value cards (SVC). Kung gugustuhin man makatipid sa oras at makaiwas sa paulit-ulit na pila, hindi naman mangyari gawa nang nagkakaubusan daw ang SVCs.

“Walang sapat sa stored value card, gustuhin mang makatipid sa oras, at makaiwas sa paulit-ulit na pila, wala namang mabili. Nagkaubusan daw.”

Hindi rin nakaligtas sa obserbasyon ni Heidi ang mga out-of-order na vending machines para sa mga bibili ng ticket.

“Sa limang ticket vending machines 3 ang out of order at 2 naman ang naka-closed mode. Anyare?”

Nagmungkahi rin siyang baka puwedeng gumamit na lang ng scanner para sa mga senior citizens. Aniya, ang haba na nga ng pila, isusulat pa isa-isa ang pangalan at numero, tapos saka pipirmahan bago nila makuha ang card.

“Sa Senior Citizen, mahaba din ang pila kasi sinusulat isa-isa ang numero at pangalan, saka papipirmahan bago ibibigay ang card matapos bayaran. Baka pwedeng gumamit ng scanner? Salamat naman sa magagalang na gwardya na agad nag-abot ng mauupuan.”

Nagpasalamat din siya sa mga magagalang na guwardiyang kusang-palong nag-abot ng mauupuan para sa kanila.

Hindi rin napigilang mag-comment ni Mendoza sa kakulangan sa abiso patungkol sa pagkakasira ng tren.

“Nasiraan ang tren, walang abisong pang malawakan. Matapos mong akyatin ang matarik na hagdan, pumila ng mahaba, saka ka bubulagain ng isang gwardyang halos paos na sa pag-announce, Wala pong tren! Buti na lang at hindi nagreklamo ang mga pasahero na hindi sila nabigyan ng due process.”

Mababasa rin sa post ni Heidi ang ilan pa niyang suhestiyon ukol dito:

“Walang masabing dahilan at hindi rin masabi kung hanggang kailan! Lakasan pa ang loob ng sino mang gustong magtanong sa takot na baka masigawan. Alam kong masipag ka at maaasahan kaya ikaw ay aking sinulatan!,” aniya.

“Mayroon pala akong suggestion, magpalibreng sakay ka sa mga mag-aaral ng inyong budget,” dagdag pa niya.

Tinapos naman ni Heidi ang kaniyang liham para sa kalihim sa pagsasabing:

“Kung subukan nilang lumabas sa Kongreso, makita nila ang ilan sa dahilan kung bakit pinaghihirapan dapat bantayan ang pera ng bayan. Gumagalang at nagpapasalamat, Dati mong kasamahan sa paglilingkod bayan!”

Vincent Gutierrez/BALITA