Inamin ni Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition Big Winner Brent Manalo na dumating daw siya sa puntong napagod siya bilang panganay.
Sa latest special episode ng “Paano Ba ‘To?” mini-series ni Kapamilya host Bianca Manalo kamakailan, sinabi ni Brent na gusto na raw niyang takbuhan ang responsibilidad na nakapasan sa nakatatandang anak.
“I’ll be honest, may time din na napagod ako; na gusto ko na rin takbuhan. Lalo na kasi sobrang dami kong gustong mangyari sa buhay ko. Na parang problema ko na lang problemahin ko. Saka na ‘yong sa inyo. Kaniya-kaniya muna tayo,” saad ni Brent.
“Pero,” pasubali niya, “na-realize ko kasi, every time na hindi ko rin kayang pasanin ‘yong sarili kong problema, sila rin ‘yonng nandiyan, e.”
Dagdag pa niya, “Siguro mas malaki lang ‘yong mga naitutulong ko pa ngayon sa mga problema nila kasi I have the means to do it. Pero once na you’re down and experiencing rock bottom, sila rin naman ‘yong sasalo sa ‘yo.”
Kaya ayos lang umano kung makaramdam ng pagod sa pagiging panganay dahil valid na rason naman ito. Pero paalala ni Brent, mahalaga ring muling suriin ang nararamdaman kapag naranasan ang ganito.
Matatandaang bago nakapasok sa Bahay ni Kuya, nakilala na si Brent sa pagmomodelo. Nagtapos siya ng cum laude sa De La Salle University sa ilalim ng programang Bachelor of Science in Advertising Management.
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Ang Big Winner na si Brent Manalo sa PBB: Celebrity Collab Edition