January 05, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Sino-sino nga bang opisyal at posisyon ang maaaring ma-impeach?

ALAMIN: Sino-sino nga bang opisyal at posisyon ang maaaring ma-impeach?
Photo courtesy: File photo

Gumawa ng ingay ang naging pahayag kamakailan ni House Speaker Martin Romualdez tungkol sa kaniyang paalala sa Supreme Court (SC).

Kasabay kasi ng kumpirmasyon ni Romualdez ng pagsusumite ng Kamara ng motion for reconsideration sa SC patungkol sa pagkakadeklara ng articles of impeachment ni Vice President Sara Duterte na “unconstitutional,” ay ang paalala ng House Speaker sa miyembro ng Korte Suprema.

"The Supreme Court is a co-equal branch of government. Its wisdom is deep. Its authority is real. But its members like the President and the Vice President are also impeachable officers," aniya.

KAUGNAY NA BALITA: Paalala ni Romualdez: Mga miyembro ng Supreme Court, impeachable din!

Human-Interest

ALAMIN: Gaano katagal bago mapanis mga hinandang pagkain noong holiday?

Ang usapin ng impeachment na dati’y nakasentro lamang sa Bise Presidente, tila naibaling sa Korte Suprema—ang institusyong kinilala bilang isa sa mga makakapangyarihang sangay ng gobyerno.

Ngunit ang tanong, sino-sino nga bang opisyal at posisyon ang maaaring ma-impeach? 

Ayon sa University Of the Philippines (UP) College of Law, nakasaad sa Article XI ng section 2 ng 1987 Constitution ang listahan ng mga impeachable officers sa Pilipinas.

Ang Presidente

Ang Bise Presidente

Miyembro ng Supreme Court

Miyembro ng mga Constitutional Commissions katulad ng Civil Service Commission, Commission on Audit at Commission on Elections

Ombudsman

Sa kasaysayan ng bansa iilang mga opisyal pa lamang ang nakakatikim ng pagharap sa impeachment. 

Joseph Estrada

Noong 2000 nang ma-impeach sa Kamara ang noo’y si dating Pangulong Joseph Estrada na siyang kauna-unahang opisiyal na na-impeach sa bansa. Ngunit, hindi na natapos ang proseso ng impeachment ni Estrada sa Senado matapos ang pagsiklab ng EDSA People Power II na siyang tuluyang nagpatalsik sa kaniya sa puwesto.

Taong 1998 nang mahalal si Estrada bilang Pangulo ngunit napatalsik sa puwesto bunsod ng mga kasong bribery at corruption na may kaugnayan na rin sa jueteng.

Merceditas Gutierrez

Si Ombudsman Merceditas Gutierrez ang kauna-unahang babaeng opisyal ng bansa noong 2010 na naharap sa impeachment bunsod ng umano’y “low conviction rate” niya sa mga graft cases kabilang ang noo’y mga kaso laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Subalit, hindi natuloy ang impeachment ni Gutierrez sa Senado matapos siyang magbitiw sa puwesto 10 araw bago ang kaniyang trial.

Renato Corona

Taong 2011 naman nang umusad ang impeachment ni noo’y Chief Justice Renato Corona bunsod ng mga reklamong graft and corruption, culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust.

Habang taong 2012 naman nang tuluyan siyang na-impeach sa Senado sa botong 20-3.

Andres Bautista

Noong 2017 naman nang maharap din sa impeachment complaints si dating Comelec Chairman Andres Bautista bunsod umano ng betrayal of public trust dahil sa nangyaring hacking sa Comelec website noong 2015. Hindi na rin umusad ang impeachment ni Bautista sa Seando matapos siyang ma-impeach sa Kamara na sinabayan niya ng resignation.

Samantala nitong Miyerkules, Agosto 6, nakatakdang pagdesisyunan ng Senado ang gagawin nilang hakbang kung iraratsada pa nga ba nila ang impeachment laban kay VP Sara o kung susundin nila ang desisyon ng SC. Isang desisyong muling magmamarka sa kasaysayan ng bansa—si VP Sara, bilang kauna-unahang Pangalawang Pangulo ng bansa na tuluyang sasalang sa impeachment trial.