Tuluyan nang sinampahan ng reklamong rape ang 13 taong gulang na binatilyong suspek sa pagpatay sa isang 9-anyos sa Quezon City.
Ayon sa mga ulat, kumpirmadong ginahasa ang biktima at saka siya sinakal ng suspek batay sa resulta ng isinagawang pagsusuri sa katawan ng nasabing batang babae.
Bunsod nito, inihain na ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD CIDU) ang reklamong rape with homicide sa prosecutor’s office.
Matatandaang noong Linggo, Agosto 3, 2025 nang matagpuan ang wala nang buhay at hubo’t hubad na katawan ng biktima sa isang bakanteng lote sa QC. Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nahagip sa CCTV na ang 13-anyos na binatilyo ang huling kasama ng biktima na pumasok sa isang pribadong bankante lote.
KAUGNAY NA BALITA: 9-anyos na batang babae, natagpuang patay at walang saplot sa bakanteng lote
Samantala, ayon sa Juvenile Justice and Welfare Council, posible umanong mabasura pa ang kaso laban sa suspek dahil sa umiiral na batas sa Pilipinas kung saan nasa minimum age ng 15 taong gulang ang maaari lamang mapanagot sa batas.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Molave Youth Home ang binatilyong suspek habang hinihintay ang desisyon ng prosecutor’s office kung aakyat ang kaniyang kaso sa korte.