December 13, 2025

Home BALITA Metro

ER ng PGH apaw na sa pasyente: 'Maghanap muna ng ibang ospital!'

ER ng PGH apaw na sa pasyente: 'Maghanap muna ng ibang ospital!'
Photo courtesy: via MB/Screenshot from TV Patrol (YT)

Hinikayat na ng Philippine General Hospital (PGH) ang publiko na humanap na lamang ng ibang ospital dahil sa dami ng mga pasyente sa kanilang emergency room matapos tumaas nang biglaan ang bilang ng mga dinadalang karamihan ay may leptospirosis at pneumonia.

Naglabas ng opisyal na pahayag ang PGH hinggil dito, na mababasa sa kanilang opisyal na Facebook page.

"Nais naming ipaalam sa inyo na ang aming Emergency Room ay kasalukuyang higit na sa kapasidad dahil sa mataas na bilang ng mga pasyenteng dumarating," anila.

"Sa ngayon, hinihikayat namin kayong maghanap muna ng ibang ospital na maaaring magbigay ng agarang serbisyo sa inyo."

Metro

Misis, sinaksak ng mister sa leeg

"Nananatiling bukas ang emergency room namin para sa mga pasyenteng nasa kritikal na kalagayan. Maraming salamat po!" dagdag pa.

Batay sa ulat, umabot sa 400% ang mga pasyenteng dinala sa ER ng nabanggit na pampublikong pagamutan, na ang kapasidad ay nasa 75 katao lamang, subalit sa kasalukuyan, pumalo na sa 300 katao ang nakaratay na rito.

Sa panayam ng "TV Patrol" sa tagapagsalita ng PGH na si Dr. Jonas Del Rosario, sa mga nagdaang araw daw, matapos ang pag-ulan at pagbaha, ay biglang tumaas ang mga numero o bilang ng mga pasyenteng dinadala sa PGH. Aniya pa, marami na raw ang nakatayo at ang iba naman ay pinagkakasya ang sarili sa stretcher.

Sa labas ng emergency area ng PGH, marami pa raw ang naghihintay at nagbabaka-sakaling tanggapin sila upang matugunan ang mga pangangailangang medikal.

Ngunit sa kasalukuyan daw, ang tinatanggap ng PGH ay mga sakit na kritikal at banta sa buhay o life-threatening, kagaya na lamang ng atake sa puso, stroke, o kaya naman ay kailangan nang isailalim sa operasyon.

Isa raw sa mga itinuturong dahilan kung bakit dumadagsa ang pasyente sa PGH ay dahil sa pagtaas ng kaso ng leptospirosis at pneumonia.

Ang leptospirosis ay bacterial infection na nakukuha mula sa ihi ng mga hayop, lalo na sa daga. Ang pneumonia naman ay puwedeng bacterial, viral, o fungal infection na nagdudulot ng pamamaga sa alveoli (mga maliliit na air sac sa baga), kaya nahihirapan ang taong huminga.

Bukod dito, may ilan ding pasyenteng nakararanas ng sepsis o matinding reaksiyon ng katawan sa impeksyon.

Ayon pa kay Del Rosario, bukod sa dami ng pasyente at kakulangan sa espasyo, problema rin nila ang kakulangan ng oxygen ports at hospital beds. Epekto nito, ginawa ring ward ang mga pasilyo ng ospital.

Sa kabilang banda,  sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na handang tumulong ang mga ospital na pinapatakbo ng DOH at mga ospital ng Government-Owned or Controlled Corporation (GOCC) sa National Capital Region.

“Bukas at handa ang mga DOH hospital pati na rin ang apat na GOCC hospitals para tanggapin ang mga pasyenteng hindi muna matatanggap sa UP-PGH dahil sa panandaliang pagkapuno ng ER nito," aniya, sa ulat ng Manila Bulletin.

“Inaabisuhan po ang lahat ng mga ospital, klinika, ambulansya at doktor na iwasan munang magdala ng bagong pasyente sa UP-PGH, at sa mga DOH hospital muna dalhin."

Samantala, narito ang listahan ng mga DOH at GOCC hospitals na maaaring pagdalhan sa mga pasyente kung hindi na tanggapin pa sa PGH:

DOH hospitals:

• Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital at Sanitarium sa Caloocan City

• Las Piñas General Hospital at Satellite Trauma Center sa Las Piñas

• San Lorenzo Ruiz General Hospital sa Malabon

• National Center for Mental Health sa Mandaluyong

• Jose Fabella Memorial Hospital, Jose R. Reyes Memorial Medical Center, San Lazaro Hospital, at Tondo Medical Center sa Maynila

• Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina

• Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa

• Rizal Medical Center sa Pasig

• East Avenue Medical Center, National Children’s Hospital, Philippine Orthopedic Center, at Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City

• Valenzuela Medical Center sa Valenzuela

GOCC hospitals (Quezon City)

• Lung Center of the Philippines

• National Kidney and Transplant Institute

• Philippine Heart Center

• Philippine Children’s Medical Center