Iginawad ng Rizal Provincial Government sa isang estudyante ang “Natatanging Mag-aaral Award” mula sa Lores Elementary School nitong Lunes, Agosto 4.
Ibinahagi ni Mayor Jun Ynares sa kaniyang Facebook post na iginawad nila ang parangal kay Angelo C. Dela Cruz, isang mag-aaral na mahusay sa eskuwelahan at may matinding pinagdaanan sa buhay, na nag-udyok sa kanila upang igawad sa kaniya ang natatanging parangal.
Mababasa sa post na si Angelo C. Dela Cruz ay pangalawa sa apat nilang magkakapatid, na tinutustusan ng kaniyang ama na isang part-time security guard at on-call construction worker. Katuwang naman ng kaniyang ama ang kaniyang ina na isang housewife.
Dahil madalas ay kapos ang kita ng kanilang ama, kung kaya’t rumaraket ang kaniyang ina bilang isang labandera upang makatulong. Dulot nito, naitatawid nila ang kanilang araw-araw na gastusin.
Napag-alaman namang kamakailan lamang ay humarap sa malaking problema ang kanilang pamilya, nang ang kanilang bunso ay naaksidente na nagdulot ng mas lalong kakapusan sa kanila.
Naibahagi rin sa post na sa murang edad ni Angelo ay namulat na siya sa hirap ng buhay, na nag-udyok sa kaniya na magkaroon ng inisyatibong tumulong sa kaniyang pamilya. Nagtitinda umano ng donut si Angelo upang matulungan niya ang kaniyang mga magulang.
Iniikot din nito ang kanilang lugar upang mangolekta ng mga plastik, bote, bakal, at iba pa na puwedeng maibenta kapalit ng kakarampot na kita.
Tuwing Sabado at Linggo, pinipili na lamang ni Angelo na rumaket pa kaysa maglaro. Namamasukan din siya bilang “parking boy” sa isang resort pagpatak ng gabi.
Mababasa sa post na lubhang mahalaga para kay Angelo na kumita ng pera at kumayod, sapagkat nais niyang matulungan ang kaniyang bunsong kapatid sa pagpapagamot nito. Walang tigil na pag-iyak ang naririnig niya mula sa kaniyang bunsong kapatid dahil sa sakit na nadarama nito. Idagdag pa ang kaniyang titong may goiter, na hindi na piniling pumasok pa dahil sa hinaharap na “bullying.”
Hindi lang kahanga-hanga si Angelo bilang isang mabuting bata sa kanilang pamilya, mahusay din umano ang bata sa eskuwelahan. Napag-alamang “achiever” si Angelo at hindi nagpapahuli sa mga pampaaralang gawain.
Ibinahagi ni Mayor Ynares na matapos nilang malaman ang sitwasyon ni Angelo, agaran nilang tinulungan sa pagpapagamot ng bunsong kapatid nito, kasama ang kaniyang tito. Sigigurado din nilang tutulungan pa rin nila ang dalawa paglabas nito sa ospital, hanggang ang mga ito ay maging maayos na.
Mababasa sa caption ng post ang detalye ng mga natanggap ni Angelo bilang “Natatanging Mag-aaral Awardee.”
“Di matatawaran ang tiyaga at pagsisikap ni Angelo, kaya siya po ang napili ng Lores ES SPTA na tumanggap ng Natatanging Mag-aaral award, at ng scholarship grant na may sumatutal na 220,000 pesos... 60,000 pesos hanggang senior high school--10,000 pesos kada taon-- at 160,000 pesos naman sa apat na taon ng kolehiyo o 40,000 pesos kada taon (depende kung ilang semestre ang kanyang mapipiling kurso at paaralan),” ani Ynares sa caption.
Ano ba ang “Natatanging Mag-aaral Award?”
Ang “Natatanging Mag-aaral Award” ay ibinibigay sa mga karapat-dapat o “deserving” na mga estudyante na nagpapakita ng husay at galing sa paaralan at nagpapamalas din ng kabutihang puso para sa kaniyang pamilya.
Ito ay inisyatibo ng Rizal Provincial Government, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares.
Vincent Gutierrez/BALITA