Isang special voter registration ang idinaos ng Commission on Elections (Comelec) para sa mga persons deprived of liberty (PDLs) sa Manila City Jail (MCJ), kaugnay ng 2025 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon sa Comelec, nasa 137 babaeng PDLs at 186 lalaking PDLs ang inaasahan nilang magpaparehistro sa unang batch ng registrants.
Personal namang bumisita si Comelec Chairman George Erwin Garcia sa inilagay nilang satellite voter registration site sa MCJ.
Ani Garcia, dapat ay residente ang mga PDLs sa lugar kung saan sila boboto para makapag-avail sila sa PDL voting.
Gayunman, maaari naman aniya nilang ilipat ang rehistro kung saan talaga sila boboto kalaunan.
Ang importante lamang aniya ay maparehistro ang mga ito at makaboto.
Ipinaliwanag ni Garcia na ang mga PDLs ay maaaring makaboto hanggat wala pang pinal na hatol sa conviction ng mga ito.
Batay sa datos ng Comelec, sa katatapos na May 12 polls ay umabot sa 88% ang voter turnout ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Nangangahulugan ito na mataas ang interes ng mga kababayan natin na makaboto kahit sila ay nasa piitan.
“Ibig sabihin, ganun kataas ang interest ng mga kababayan natin bagamat sila ay di malaya. Ibig sabihin, nagnanais sila na pag lumaya na sila, o kahit di pa nakakalaya, magandang buhay at lipunan para sa kanilang minamahal sa buhay,” dagdag pa ni Garcia.
Noong Agosto 1, sinimulan na ng Comelec ang 10-araw na voter registration para sa 2025 BSKE. Magtatagal ito hanggang sa Agosto 10.
Nagdaraos din ang Comelec ng voter registration sa mga itinayo nilang Special Registration Anywhere Program (SRAP) sites, sa ilang malls, pagamutan at mga paliparan sa Metro Manila. Magtatagal ito hanggang Agosto 7 lamang.
Samantala, hindi pa pirmado ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang panukalang batas na i-postpone sa 2025 BSKE sa Disyembre.