Kasama sa direksiyong tatahakin ni Senador Win Gatchalian ang pagpaparanas sa mga Pilipino ng “golden age of transparency and accountability” sa ilalim ng kaniyang panunungkulan bilang bagong talagang chairperson ng Senate Committee on Finance.
Sa ikinasang “Kapihan sa Senado” nitong Lunes, Agosto 4, sinabi ni Gatchalian na malaki umano ang panawagan ng taumbayan para magkaroon ng transparency sa gobyerno.
“Ngayon, malaki ang clamor for transparency. So, direksyon din namin—ang tawag namin internally—we will undergo or experience a golden age of transparency and accountability,” saad ni Gatchalian.
Kaya naman ipinakita niya kung paano gumagana ang budget process ng gobyerno. Gayundin ang mga dokumentong ibinabahagi at hindi ibinabahagi sa publiko.
Ani Gatchalian, “So if you look at the entire process, dalawa lang ang ina-upload sa website ng DMB [Department of Budget and Management] at website ng national government executive side. ‘Yong pinakauna, ‘yong national expenditure program. At pangalawa, ‘yong GAA [General Appropriation Act] na. “
“So, kung ikaw ay publiko, gusto mo i-analyze ‘yong budget, makikita mo lang ‘yong step one at ‘yong last step. Pero hindi mo makikita ‘yong step-by-step dahil kulang-kulang ‘yong pag-upload ng documents,” dugtong pa ng senador.
Nauna nang naghayag ng suporta si House Speaker Martin Romualdez sa panukalang isapubliko ang bicameral conference para sa 2026 budget deliberation.
MAKI-BALITA: Pagsasapubliko ng bicam conference, para sa tiwala ng taumbayan—Romualdez
Matatandaang inulan ng kontrobersya ang nakaraang bicam committee report matapos umugong ang mga alegasyong dagdag na budget na isiningit umano nina Romualdez para sa 2025.