December 13, 2025

Home BALITA National

Pondo sa edukasyon, pagtutuunan sa 2026 budget—Gatchalian

Pondo sa edukasyon, pagtutuunan sa 2026 budget—Gatchalian
Photo Courtesy: via MB

Naglatag na ng plano si Senador Win Gatchalian bilang bagong talagang chairperson ng Senate Committee on Finance sa kabila ng kontrobersiya at isyu sa nakaraang 2025 national budget.

Sa isinagawang “Kapihan sa Senado” nitong Lunes, Agosto 4, sinabi ni Gatchalian na sa taong 2026 ay patataasin ng gobyerno ang pondong ilalaan para sa sektor ng edukasyon.

“First of all, ‘yong 2026 budget ay ipa-prioritize namin ang education. This will be an education budget. [...] Pipilitin naming lumampas ng 4% of our GDP [gross domestic product] ang education. Right now, nasa mga 3.8, 3.9% tayo,” saad ni Gatchalian.

Dagdag pa ng senador, “May mga times in the past, umabot na tayo sa 4% pero bumaba. So this 2026, pipilitin namin maging 4% of GDP ang education budget. Ang target namin ang 2026 budget ay tatawaging ‘education budget.’”

National

Sen. Bato at iba pa, 'di sumipot sa bicam conference committee meeting para sa 2026 nat’l budget

Nauna nang inirerekomenda ng United Nations (UN) na 6% dapat ng GDP sa bawat bansa ay napupunta sa edukasyon.

Samantala, nilinaw naman ni Gatchalian na hindi nangangahulugang hindi na bibigyang-pansin ng pamahalaan ang iba pang pangangailangan ng bansa ngayong itutuon nila ang pondo sa nasabing sektor.

“[W]e would just put emphasis and priority to education,” anang senador.

Matatandaang halos sumentro si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa paglalatag ng mga plano at pangako sa sektor ng edukasyon sa ikaapat niyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo.

Iginiit pa nga niyang kaguruan umano ang pinakamahalagang bahagi sa sistema ng edukasyon.

Aniya, “Ang pinakamahalaga sa sistema ng edukasyon ay ang ating mga mahal na guro. Asahan po ninyo na hindi gagawing sukatan ang galing ninyo o ng performance ninyo ang dami lang ng estudyante na inyong ipinapasa.”

“Kundi ang dami ng mag-aaral na inyong pinapahusay at pinapataas ang ambisyon sa buhay," dugtong pa ni Marcos.

Bukod dito, iniulat din ng pangulo na nagdaratingan na umano ang mga laptop na laan sa mga gurong nasa public school. Tiniyak umano ng pamahalaan na walang anomalya sa likod nito.

MAKI-BALITA: ALAMIN: Ang mga pangako ni PBBM patungkol sa edukasyon