May mensahe si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., para sa mga dati at kasalukuyan niyang kaalyado na nagpapahirap umano sa mga Pilipino.
Sa pasilip na clip ng bagong episode ng BBM podcast na ibinahagi sa Facebook page ng Pangulo noong Linggo, Agosto 3, 2025, iginiit ni PBBM na dapat umanong may managot sa pinagdadaanang paghihirap ng mga Pilipino.
“Yung dinadaanan na hirap na dinadanas ng ating mga kababayan, they have to be told who is responsible, and somebody has to answer for their suffering,” anang Pangulo.
Nang tanungin naman siya kung pananagutin daw niya maski ang kaniyang kaalyado, sagot ni PBBM, “Sorry na lang. Hindi na kita kaalyado kung ganiyan ang ginagawa mo, ayaw na kitang kaalyado.”
Kaugnay nito, matatandaang binira na rin ni PBBM sa kaniyang katatapos pa lamang na ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ang mga naging korap sa ilalim ng kaniyang administrasyon partikular na sa implementasyon ng flood control project.
“Huwag na po tayong magkunwari, alam naman ng buong madla, na nagkakaraket sa mga proyekto. Mga kickback, mga initiative, errata, SOP, for the boys. Kaya sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, 'Mahiya naman kayo sa inyong kapuwa Pilipino!” ani PBBM.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, sinupalpal mga korap sa flood control project: 'Mahiya naman kayo!'