Nagbigay ng babala si showbiz insider Ogie Diaz patungkol sa mga gumagamit ng pangalan niya para makapanloko ng mga artista.
Sa latest episode ng “Showbiz Updates” noong Linggo, Agosto 3, sinabi ni Ogie na kinontak umano siya ni “How to Get Away from My Toxic Family” star Gab Yabut para kumpirmahin kung siya ba ang nagpadala ng mensahe rito sa Telegram.
Ipinakita pa ni Ogie ang screenshot ng conversation nina Gab at ng kumontak dito na nagpakilala gamit ang pangalan niya. At nang tangkain ni Gab na makipag-video call, blinock na siya nito.
“Hindi tayo diyan nagtatapos. Mayro’n pa. Kay Young JV. Sabi ni Young JV, ‘Mama Ogie, nag-message kayo?’ Kaya sabi ko, ‘Sino po ito?’ So, nag-Viber sa akin. Sabi niya sa Viber, nag-message po kayo sa Telegram po,” lahad ni Ogie.
Dagdag pa niya, “So, nagtawagan kami. Sabi ko sa kaniya, ‘Baka the same person na nang-i-scam at nambubudol ng mga artista. Sinend niya sa akin. So, pareho. Telegram. Pareho rin ‘yong picture ko [na ginamit].”
Kaya pakiusap niya, huwag magpapaniwala sa kung sinomang nagpapakilala gamit ang pangalan niya para makapaggantso.
“Makakarma din ‘yan,” ani Ogie.