Grabe pala ang pinagdaanan ng magkaibigang komedyanteng sina MC Muah at Lassy Marquez pagdating sa hard-earned money nila!
Naibahagi kasi nila sa panayam sa kanila sa "ToniTalks" na nalulong sila sa paglalaro ng casino, at take note, hindi biro ang perang nawaldas nila rito.
Tumataginting na higit ₱10 milyon lang naman ang nawala sa kanila, simula nang magumon sila sa paglalaro nito, mula 2011 hanggang 2016.
Hindi raw nakaka-proud ang nangyari sa kanila, at kaya nga nila shine-share ay baka-sakaling may mapulot na aral ang mga manonood sa kuwento nila, lalo't mainit na usapin ngayon ang tungkol sa pagkalulong ng maraming mga Pilipino sa pagsusugal, lalo na nang mauso ang online gambling.
PAGKALULONG SA CASINO
Unang naadik sa casino si MC dahil ito ang naging paraan niya para mawala ang lungkot na nararamdaman sa pagpanaw ng ina dahil sa sakit na cancer.
Pagkatapos daw ng raket niya sa comedy bar, saka siya dumidiretso sa casino para magsaya. Kapag natatalo naman, bumabalik siya para mabawi ang perang nawala sa kaniya.
Hindi laging nakapag-uuwi ng pera si MC; may mga pagkakataon pa ngang ang nawala sa kaniya ay ₱800k!
Dahil nga matagal nang magkaibigan sina MC at Lassy, naaya ng una ang huli na subukin na rin ang pagka-casino. Pumayag naman si Lassy dahil mukhang masayang umuuwi si MC lalo na kapag nananalo.
Sa unang sabak pa lang ni Lassy ay agad siyang nanalo, kaya naman, nagtuloy-tuloy na rin ang paglalaro niya. Hanggang sa halos araw-araw na raw silang laman ng casino, pumapasok sa comedy bar at sumasalang sa taping kahit wala silang tulog.
"Uuwi lang, maliligo, show ulit. Gano'n nangyayari. Minsan iidlip lang ng 30 minutes, show ulit," anila.
PAGKAUBOS NG IPON AT ILANG ARI-ARIAN
Hanggang sa namalayan na lamang ng dalawa na nauubos na ang mga ipon nila.
Umabot pa sa puntong ₱2k na lang ang naiwang pera sa bangko mula sa savings nila.
Si Lassy naman, nagsimulang mangutang sa mga kaibigan para pambayad ng bills. Unti-unti ring naubos ang mga alahas niya na tumengga sa sanglaan.
"Ang dami kong alahas. Nasangla ko 'yon. Ang binabayaran ko na lang sa sanglaan, 'yong interest. Kasi hindi ko pa siya matubos,” kuwento ni Lassy.
Tantya nga nila ay nasa higit ₱10M na ang nawaldas nila sa paglalaro ng casino.
NATAUHAN NOONG 2016
Pero ang tanong, ano nga ba ang naging wake-up call ng dalawa para itigil na ang pagka-casino, na kung titingnan, ay tila hindi naging maganda ang epekto sa kanila?
Sa kaso ni MC, isang kaibigang bagitong komedyante ang tumulong sa kaniya para makabangon at makaalis sa adiksyon. Ang komedyanteng ito na tinukoy niyang si "Tonton" ay minsan daw siyang nilibre ng pagkain sa isang fast food chain. Naikuwento niya kasi sa kaniya ang kalagayan niya, dahil nahihiya siyang magkuwento sa mga dati niyang kaibigan.
Nang pumayag daw siyang ilibre sa fast food chain, doon daw napagtanto ni MC na ayaw niya sa ganoong klaseng buhay.
Si Lassy naman, tila "sumampal" sa kaniya sa bangungot ng pagkagumon sa sugal ang isang katrabahong nakabili na ng sariling bahay niya.
“Gusto ko nang ayusin ang buhay ko. Gusto ko nang magkaroon ng bahay,” aniya.
Nagdesisyon daw ang magkaibigang ayusin na ang mga buhay nila. Si MC, nagpunta pa sa Simbahan ng Baclaran para lang magdasal sa Panginoon na sana raw ay bigyan pa siya ng pagkakataong ayusin nga ang buhay niya.
Pagkaraan, biglang may dumating na alok ng trabaho sa kanila. Iyon na raw ang naging paraan para sa kanilang pagbawi sa buhay.
FINANCIAL FREEDOM
Sa kasalukuyang estado ng buhay nina MC at Lassy, masasabi raw nilang nakaalis na sila sa bangungot ng kawalan ng pera, at mula sa adiksyon ng pagka-casino.
Masasabi raw nilang may financial freedom na sila, at wala nang iniisip na problema patungkol sa pera, dahil natuto na sila sa kanilang pagkakamali.
Kamakailan lamang ay napabilang sina MC at Lassy bilang hosts sa noontime show na "It's Showtime," bukod pa sa nakakasama sila sa mga pelikula.
Si Lassy, nakapagpatayo na rin ng sariling bahay, na naitampok na rin sa vlog ni broadcast journalist Julius Babao.