Tila may kakabit na sumpa ang kaarawan ng komedyanteng si MC Muah dahil sa hindi magagandang nangyari kapag ipinagdiriwang niya ito.
Sa latest episode ng “Toni Talks” noong Linggo, Agosto 3, ibinahagi ni MC na noong minsan daw niyang ipagdiwang ang kaarawan niya ay inatake ng stroke ang kaniyang ama.
“Sixteen [years old] ako no’n. Sabi ko sa papa ko, gusto kong mag-celebrate ng birthday na ipapakilala ko ‘yong mga kaibigan ko, na kung sino ako. Alam na niyang beki ako. Pero sabi ko, gusto kong makilala mo ako nang husto,” lahad ni MC.
“Pumayag naman siya,” wika ng komedyante. “Una, sabi niya pa, parang hindi niya kayang humarap sa mga bisita. Ta’s sabi lang ng mama ko, subukan mong hindi bumaba. Anak mo ‘yan, kailangan mong tanggapin kung anoman siya. Pero hindi ako sinasaktan ng papa ko, ha.”
Ayon kay MC, lumabas din naman ng kuwarto nito ang papa niya at hinarap ang mga bisita. Pero pagkatapos nilang makakain, inatake na ito.
At nang matingnan ng doktor ang kalagayan nito, tinaningan na agad ang papa niya. Sinabing dalawang araw na lang umano ang itatagal nito sa mundo.
Kaya simula noon ay parang nagkaroon na si MC ng trauma sa tuwing sasapit ang kaarawan niya.
Aniya, “‘Ano ba ‘to? First time lang akong mag-celebrate talaga.’ Kasi usually nga nagse-celebrate ako sa sementeryo. Kasi nga ‘yong birhtday ko, November 3.”
“Laking trauma sa akin. Hanggang ngayon ‘di ako nagse-celebrate. Puwede siguro akong kumain lang kami sa labas. Pero ‘yong celebration na may invitation, pinaghandaan, may party, hindi,” dugtong pa ni MC.
Hindi lang kasi ito unang beses na nangyari. Nang sumunod na taon, kinumbinse si MC ng nanay niya para magdiwang. Ayaw niya sana pero mapilit ang madir niya.
“So nag-celebrate ako,” sabi ni MC. “Swimming party naman ‘yon. Party talaga. Tapos inatake naman ‘yong papa ng mama ko. Bale lolo ko. Pero hindi siya namatay. Bed ridden siya.”
“Tapos the following year, ito na,” pagpapatuloy niya. “Kasi November 3 ‘yong birthday ko,itinataon ko na weekend. ‘Yong lola ko naman—nanay ng papa ko—naospital! So, sabi ng mama ko, i-cancel mo ‘yong birthday celebration mo. “
Dagdag pa niya, “[N]ag-stay do’n ng mga tatlong araw ‘yong lola ko. Ta’s biglang sabi stable na raw. Walang mangayayaring masama. So, sabi ng mama ko, ‘O lalabas na ang lola mo sa ospital. Ngayon mo na ituloy ‘yong birthday celebration mo’ So tinuloy ko. [...] Pagkatapos kumain, biglang namatay ‘yong lola ko.”
Samantala, kinumpirma naman ng malapit na kaibigan ni MC na si Lassy Marquez na totoo ngang hindi niya ipinagdiriwang ang kaniyang kaarawan.