Naglabas ng sentimyento si Cardinal Pablo “Ambo” David patungkol sa umano’y kakatwang hustisya sa Pilipinas matapos bawian ng buhay ang isang kabataan sa kasagsagan ng southwest monsoon o habagat noong Hulyo 22.
Sa latest Facebook post ni Cardinal Ambo noong Linggo, Agosto 3, inilahad niya ang kuwento ni Dion Angelo Dela Rosa o mas kilala bilang “Gelo,” 20-anyos, panganay sa anim na magkakapatid.
Bukod dito, nagsisilbi pa siya bilang sakristan sa simbahan. Nasa ikatlong taon na rin sa kolehiyo sa ilalim ng kursong Human Resources Services sa Malabon City College.
Ayon sa salaysay ni Cardinal Ambo, namatay si Gelo dahil sa leptospirosis matapos nitong suungin ang baha kasa-kasama ang inang bulag ang isang mata para hanapin ang haligi ng kanilang tahanan na misteryosong nawala.
Kalaunan natuklasan ng pamilya na hinuli pala ang tatay ni Gelo nang hindi man lang umano iniisyuhan ng warrant of arrest dahil sa paglalaro ng kara y krus.
Ngunit bigo silang mailabas ang kanilang ama dahil wala silang kakayahan para mapiyansahan ito sa halagang ₱30,000
“Ito ang matinding kabalintunaan,” sabi ni Cardinal Ambo, “habang kinakasuhan ang mga dukhang nagsusugal ng kara y krus, wala tayong magawa sa pinakamalaking operator ngayon ng negosyo ng sugal sa pamamagitan ng online gambling: ang gubyerno sa pamamagitan ng PAGCOR.”
Kaya naman binalik-balikan ni Gelo ang amang nakapiit para dalhan ng makakain at asikasuhin ang kaso nito. Araw-araw nilusong ang maitim na tubig-baha hanggang sa tamaan ng lagnat.
Dahil sa nangyari, hindi naiwasang itanong ni Cardinal Ambo, “Paano ito nangyari? Paano mawawala ang buhay ng isang kabataan dahil sa sunod-sunod na dagok ng kapalaran? At ano bang magagawa nila kundi ang patuloy na lumusong sa baha kung sira pa rin ang flood control gate sa kabila ng bagong buhos na namang 281 milyong piso para ma-repair ito?”
Aniya pa, habang patuloy na kumokota ang kapulisan para arestuhin ang mga mahihirap gamit ang lumang batas laban sa sugal, tahimik namang winawasak ng online gambling ang maraming pamilya sa Pilipinas.
Sa huli, hinimok ni Cardinal Ambo na ipagdasal ng publiko ang kani-kanilang pamilya ngunit ipinaalala niyang huwag ding kalimutang ipagdasal ang sarili upang matigil na ang pagtaas ng pagbaha ng kawalang katarungan at pagpanaw ng mga tulad ni Gelo na napagkaitan ng kinabukasan dahil sa kakatwang hustisya ng Pilipinas.
Matatandaang nauna nang maghayag ng pagtutol ang kardinal sa operasyon ng online gambling sa bansa nang isagawa ang Philippine Conference on New Evangelization (PCNE) XI noong Hulyo.
“I do not agree that you can regulate something criminal. It is criminal through and through,” sabi ni Cardinal Ambo.
MAKI-BALITA: Cardinal Ambo, ‘di kumbinsido sa regulasyong ipapatupad sa online sugal