Binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Lunes, Agosto 4.
Ayon kay PAGASA weather specialist Daniel James Villamil, magpapatuloy ang "monsoon break" na nagdudulot ng mainit at maalinsangang panahon sa ilang ng bahagi ng bansa hanggang Miyerkules, Agosto 6.
Posible ring maranasan ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may mga localized thunderstorm sa hapon o gabi.
Samantala, as of 8:00 AM, namataan ang LPA sa layong 1,095 kilometers East of Eastern Visayas, na inaasahang pumasok sa PAR ngayong araw.
Bagama't mababa ang tsansa na maging bagyo sa loob ng 24 na oras, maaari itong magdala ng pakalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat sa Huwebes, Agosto 7, partikular sa eastern sections ng Southern Luzon at Eastern Visayas.
Kung sakaling magkaroon ng pagbabago sa panahon at maging bagyo ang naturang LPA, tatawagin itong bagyong "Fabian."