December 13, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Family planning para sa mas maayos na pamilya

ALAMIN: Family planning para sa mas maayos na pamilya
Photo courtesy: Pexels

Nakalaan ang buwan ng Agosto para sa pagpapataas ng kamalayan sa Family Planning at importansya nito sa pagbuo ng pamilya sa pamamagitan ng mga usaping tumatalakay sa reproductive health o pangkalusugang pangkasarian, gender equality, at responsible parenthood.

Sa Republic Act No. 10354 o "The Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 (RH Law), binibigyan ng access ang bawat indibidwal sa mga impormasyon at serbisyo sa reproductive health at family planning tulad ng modernong contraceptive methods sa mga komunidad at government health centers, at reproductive health education sa mga pampublikong paaralan.

Sa pangunguna ng Department of Health (DOH) at Commission on Population and Development (CPD), inilunsad ang National Family Planning Month sa taong 2025 na may temang “Panalo ang Pamilyang Planado! Tara, Usap Tayo sa Planning!”

Binibigyang-diin nito ang importansya ng komunikasyon at edukadong pagpaplano sa pamilya sa mga indibidwal at mag-asawa para sa mas maayos at malusog na pamilya.

Human-Interest

Misis sinimot 13th month pay ni Mister nang walang paalam: ‘May karapatan ako sa pera mo!'

Bilang bawat indibidwal o mag-asawa ay may karapatan na magdesisyon sa paga-anak, ang family planning ay nakatutulong sa iba’t ibang aspeto.

1. Mababang komplikasyon sa pagbubuntis

Ayon sa The Medical City, ang family planning ay nakatutulong sa pagprotekta sa kababaihan laban sa health risk na maaaring mangyari sa pagbubuntis at panganganak tulad ng high blood pressure, gestational diabetes, miscarriage o pagkahulog ng bata, at stillbirth.

2. Pag-iwas sa hindi planadong pagbubuntis

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang family planning ay nakatutulong na maiwasan ang mga health risk at komplikasyon na dala ng hindi planadong pagbubuntis.

Sa karagdagang research ng The Medical City, ang mga sanggol na ipinapanganak ng isang teenage mother ay may mataas na posibilidad na mamatay sa unang 28 araw nito.

Ayon sa kanila, ang kababaihan na nasa edad na 10 hanggang 19 na taong gulang ay may mataas na posibilidad na magkaroon ng preterm baby o sanggol na ipinanganak bago makumpleto ang 37 linggo ng pagbubuntis.

3. Kahandaang Pinansiyal

Sa usaping pinansiyal, ang family planning ay nagbibigay ng pagkakataon sa mag-asawa para maging “financially prepared” bago magkaroon ng anak, na maaaring magresulta sa maayos na financial support ng mga magiging anak nito, ayon sa Sun Life.

4. Proteksiyon laban sa mga Sexually Transmitted Disease (STI)

Isa sa mga paraan ng family planning ang paggamit ng mga contraceptive gaya ng condom, kung saan nahaharangan nito ang pagpapalitan ng bodily fluids, na nakatutulong sa pagkakaroon ng hawaan ng mga STI tulad ng chlamydia, HIV, at gonorrhea, ayon sa Medical News Today.

Ngunit, mahalaga ring tandaan na para sa mga indibidwal na “sexually active,” o bago makipagtalik, kailangan ikonsidera na sumailalim sa mga STI screening at testing para epektibong maiwasan ang transmission ng impeksiyon.

5. Mas magandang relasyon sa mga mag-asawa

Dahil madalas na kinakailangan ang pananaw ng dalawang tao pagdating sa family planning, ang mag-asawa ay nagkakaroon ng pagkakataon na pag-usapan ang kanilang pananaw, mga inaasahan o expectation, at personal na layunin sa bubuuing pamilya, ayon sa Family Medical Center.

Ang family planning ay isang responsableng gawain ng mga indibidwal at mag-asawa hindi lamang para isaalang-alang ang pang-personal at pinansiyal na estado at layunin sa buhay, ito rin ay para maprotektahan ang buhay na mabubuo at madadala sa mundo.

Sa bansa, kasalukuyang may mga Accredited Family Planning Package Providers ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung saan maaaring pumunta ang mga indibidwal o mag-asawa para magpakonsulta.

Sean Antonio/BALITA