Hindi naman bago sa lahat ang pagkuha ng quizzes sa school, diagnostic exam, summative tests, o kahit periodic exam pa. Halos lahat ay naranasan ang kaba at dalang ‘pressure’ nito sa atin.
Ngunit may isang paniniwala na epektibo raw na paraan upang maipasa mo ang iyong exam o test: ang pagputol o pagbali ng lapis matapos isagawa ang examination.
Kamakailan, hinimok ng ng UP community ang mga exam taker na ipamahagi na lamang ang kanilang mga lapis, kaysa ito ay baliin o putulin.
Ang inisyatibong ito ay pinangunahan ng Ugnayan ng Pahinungod mula sa UP Diliman, na isang volunteer service program sa nasabing institusyon.
Mababasa sa caption ng Facebook post ng UPD Ugnayan ng Pahinungod:
“TO ALL UPCAT 2026 EXAMINEES! We highly encourage you to give your exam stationery a second life and support our learners in the BASAYA Tutorial Service Program. Let your good fortune and hard work be passed onto another striving student!,” ani sa caption.
“Donate your used stationery at the exit point of your designated exam venue at the drop box with our slogan - DON'T BREAK IT! DONATE IT!,” dagdag pa nito.
Wala pang malinaw na paliwanag kung bakit kailangang putulin o baliin ang ginamit na lapis sa exam, pero marami ang naniniwala rito magpasahanggang ngayon.
Bukod sa pagbali ng lapis, narito ang ilan pang paniniwala kung paano nga ba papasa sa examinations o tests na iyong kukuhain:
1. Tapikin ang blackboard bago mag-exam.
Bago pa man gumawa ng kahit ano sa loob ng testing room, una nang tapikin ang blackboard. Sa Ingles, “tap the board,” ito ay katunog ng “top the board.” Sa paraang ito, hindi mo lang daw maipapasa ang exam, magiging topnotcher ka pa!
2. Magsuot ng pulang panloob o kahit anong pula.
Ang paniniwalang pagsusuot ng pulang panloob ay matagal ng paniniwala sa pagkuha ng mahahalagang exam tulad ng admission tests o board exam. Ito ay hango sa tradisyon ng mga Chinese na ang kulay pula ay nagdadala ng suwerte. Kung hindi naman daw available ang pulang underwear, magdala ka raw ng kahit anong kulay pula na bagay para maka-attract ng “good luck.”
3. Makiusap sa isang board topnotcher o passer na tasahan ang gagamiting lapis upang maipasa ang exam.
Isa rin ang pagpapatasa sa isang board passer o topnotcher sa mga paniniwala na epektibong paraan kung paano makapapasa sa kukuhaning examination. Naibabahagi raw ang “blessing” at naiimpluwensiyahan nito ang pagkuha ng test.
Ano pa man ang paniniwala, hindi ito sapat bagkus kailangan pa rin itong samahan ng dedikasyon, diskarte, sipag, tiyaga, at siyempre paniniwala sa sarili at sa Diyos.
Vincent Gutierrez/BALITA