Tila bigo raw na makasamang muli ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque ang kaniyang sariling pamilya matapos niyang ihayag ang nangyari sa visa application ng kaniyang misis.
Sa panayam sa kaniya ng isang radio station noong Sabado, Agosto 2, 2025, iginiit ni Roque na na-revoke daw ang Netherlands visa ng kaniyang asawa na si Mylah Roque matapos itong maaprubahan kamakailan.
“Inaasahan ko sana na magtatagpo muli kami ng aming misis at ng anak ko, pero ang misis ko, dalawang buwang nag-apply para makakuha ng appointment sa Dutch Embassy para sa visa, isang buwang nag-antay para makuha ang visa, nabigyan ng visa. At ang sabi ko pa nga, ‘Ang galing mo, two years ang visa na naibigay sa’yo,’” ani Roque.
Subalit, ayon pa kay Roque, araw lang daw ang binilang nang muli itong makatanggap ng sulat na nire-revoke na ang visa na naibigay sa kaniya.
“Kaya lang, araw lang ang binilang, dumating ang sulat na nire-revoke ang kaniyang visa,” saad ni Roque.
Kaugnay nito, inaasahan na raw ni Roque na matutulad lamang daw sa kaniyang misis ang visa application ng kaniyang mga anak—dahilan upang mas lalo raw matatagalan na makasama ulit niya ang kaniyng pamilya.
“So ang problema diyan, dahil na-revoke ang visa n’ya, eh siyempre ganun na din mangyayari sa application ng aking mga anak para makakuha ng visa dito sa Netherlands. So mukhang long term, mawawalay na naman ako sa aking pamilya,” aniya.
Matatandaang kasalukuyang umaapela ng asylum si Roque habang nakabinbin ang kaso niya dahil sa umano’y human trafficking na konektado sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
MAKI-BALITA: Harry Roque, maghahain ng asylum sa The Netherlands
MAKI-BALITA: Harry Roque, pinaaaresto ng Angeles court dahil sa umano’y human trafficking kaugnay ng POGO
Pero bago pa man ito, nauna na siyang binabaan ng arrest order matapos ang hindi pagdalo sa House inquiry para sa POGO Lucky South 99, na siya ang lumalabas na umano'y legal counsel.
MAKI-BALITA: Roque, ipina-cite in contempt dahil hindi isinumite ang SALN at iba pang dokumento sa House QuadCom