Hindi nasilayan si Kapuso comedy star at TV host Pokwang sa ginanap na GMA Gala 2025 nitong Sabado, Agosto 2 kaya naman pinagtakhan ito ng mga netizen at fans.
Pero sa kaniyang candid at makulit na sagot sa social media, ipinaliwanag ni Pokwang na mas pinili niyang tutukan ang kaniyang negosyo kaysa dumalo sa engrandeng pagtitipon taon-taon.
"nagluto po ako ng paninda ko sa Mamang Pokwang’s gourmet meron po kasi deadline mga bulk na order po," aniya sa kaniyang X post.
Dagdag pa ng comedienne, mas pinili niyang maglaan ng oras at pagod sa mga bagay na kapaki-pakinabang para sa kaniya at may balik, kaysa gumastos at mapagod sa event na hindi naman siya sigurado kung ikatutuwa niya.
Saad pa niya, "attend ka ng GALA gagastos ka e effort ka tapos lalaitin kapa ng tao hahahhaha edi magluto nalang ng paninda."
Umani ng reaksiyon mula sa kaniyang followers ang prangkang pahayag ni Pokwang, na kilala rin sa kaniyang pagiging masipag at matatag na negosyante.
Marami ang humanga sa kaniyang desisyon na unahin ang trabaho at kabuhayan kaysa sa glitz and glam ng showbiz.
"Tama ka, kaya ako pag di invited sa mga weddings, imbes na malungkot, sigh of relief talaga!"
"Kaso mamang its the 75th Anniversary na Gala. sayang. Pero yah. Hirap din tas lalaitin lang. Go pabili ng gourmet."
"Wow ang sipag mo lang talaga dapat lang dahil sa dumami order na yan eh kaya pagtuloy mo pokie atleast kumita ka pa at tiyaga-tiyaga to paraan lamang to"
"madami kase mga laitera tlga mamang... cno ba yun?hahaha"
"Forda kabuhayan muna, good decision."