December 22, 2025

Home FEATURES

Mobile app para sa mga sakuna, inilunsad ng DRRM; gawa ng isang Pinay

Mobile app para sa mga sakuna, inilunsad ng DRRM; gawa ng isang Pinay
Photo courtesy: Cristina Macaraig (LinkedIn), DOST (Website)

Inilunsad ng isang Pilipinang imbentor ang Alerto PH, isang mobile application na dinisenyo para mapaghusay ang paghahatid ng mensaheng kaligtasan sa publiko sa pamamagitan ng urgent alerts at notification sa panahon ng kalamidad at sakuna. 

Sa pakikipagtulungan ni Cristina Macaraig sa Department of Science and Technology (DOST), Department of Information and Communications Technology (DICT), at Tuya Smart na isang global Artificial Intelligence (AI) cloud service provider, ang Alerto PH ay isang mobile application na maaaring gamitin para ikonekta sa mga government emergency responder ang mga kagamitan tulad ng fire and theft alarm, smoke detectors, gas alarm, flood sensor, at CCTV camera. 

“When these devices detect danger, whether it is a fire, break-in, or flood, they can automatically trigger alerts through our app to both the property owner and the nearest responders, even if no one is able to call for help,”  saad ni Macaraig sa website ng DOST tungkol sa kung paano ang pag-operate nito sa kasagsagan ng sakuna. 

Sa back end, gumagamit rin ito ng remote sensing, data aggregation at AI na magbibigay impormasyon sa mga Local Government Unit (LGU) para mabilis na matugunan ang report. 

Mga Pagdiriwang

KILALANIN: Pinoy legends sa basketball court

Sino si Cristina Macaraig?

Si Macaraig ay nagtapos sa University of Santo Tomas (UST) bilang cum laude sa kursong Advertising Arts.

Sa loob ng 10 taon, siya ay nagtrabaho sa US kung saan nahasa ang kaalaman niya sa software development at product marketing. 

Nagkaroon din siya ng mga side project sa Pilipinas bilang isang Monitoring and Evaluation Specialist at GIS (Geographic Information Systems) Specialist para sa mga LGU at non-profit organization. 

Kalauna’y siya ay naging founder at chief executive officer (CEO) ng Wiredfield Philippines Inc., na isang Filipino startup na tumutulong sa mga LGU na maghanda at magkaroon ng ligtas at matatag na komunidad laban sa mga sakuna sa pamamagitan ng teknolohiya. 

Ang Wiredfield Philippines, Inc. ay rehistrado sa ilalim ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa Estados Unidos na responsable sa pangangasiwa ng mga kaganapan sa stock market at ang kaligtasan ng mga investor na parte nito. 

Alerto PH

Sa media conference na pinangunahan ng Department of Science and Technology-Technology Application and Promotion Institute (DOST-TAPI) noong Hulyo 14 hanggang 16 sa Pasay City, ibinahagi ni Macaraig na sa kasalukuyan, siya at ang kaniyang team ay nagsagawa ng pilot testing sa mga lungsod ng Quezon City at Tagaytay, kung saan ang kanilang layunin ay magamit ng 100 LGU ang Alerto PH sa pagtatapos ng taong 2025. 

At sa kanilang pilot testing sa Quezon City, naglagay sila ng mga smoke alarm device sa ilang fire-prone areas sa mga lugar na madaling magkasunog at mga flood alarm sa lugar na madaling magbaha. 

Naibahagi niya rin na isa pa kanilang layunin ay ang pagkakaroon ng nationwide decentralized emergency network o kung saan ang bawat bahay, eskwelahan, at mga lokal na gobyerno ay magkaroon ng real-time access at mabilis na pagkilos bago pa man may dumating na responde, matapos ang kanilang mga kasalukuyang pilot testing. 

Sean Antonio/BALITA