Patay ang isang 75 taong gulang na lola matapos siyang ma-trap sa nasunog nilang bahay sa Iloilo noong Sabado ng umaga, Agosto 2, 2025.
Ayon sa mga ulat, natagpuan sa ilalim ng isang cabinet ang bangkay ng biktima na hinihinalang dumagan sa kaniya—dahilan upang tuluyan siyang ma-trap sa kanilang bahay. Mismong paa na lamang daw ng biktima ang nakalabas matapos siyang maipit ng hinihinalang bumagsak na cabinet sa kaniya.
Batay sa imbestigasyon, posible umanong sinindihang kandila ang pinagmulan ng naturang sunog.
Ayon pa sa mga awtoridad, mismong ang kandilang sinindihan umano ng biktima para sa kaniyang yumaong asawa ang tinutukoy nilang kandila na maaari daw naiwang nakasindi na siyang naging mitsa ng sunog.
Samantala, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad.