Nagbigay ng pananaw si dating Senate Minority leader Atty. Koko Pimentel kaugnay sa pananaw niya sa politika ng Pilipinas sa loob ng mahabang panahong panunungkulan sa pamahalaan.
Sa latest episode kasi ng “KC After Hours” noong Sabado, Agosto 2, inusisa si Pimentel kung ano ang pinakamalalang bagay na nasaksihan niya sa politika ng Pilipinas.
“Ang hirap-hirap gumawa ng tama dito sa Pilipinas. [...] Tapos andaming laro. And all the games they are playing can be swayed by money,” saad ni Pimentel.
Kaya naman hangga’t sangkot umano ang Commission on Elections (Comelec), naghahain umano ng kaso si Pimentel kapag alam niyang may hindi na tama.
“Parati kong sinasabi, sayang naman ang pagkaabogado ko kung hindi ko kikilusan ‘yan,” dugtong pa niya.
Matatandaang sa mga huling araw ni Pimentel sa Senado ay patuloy niyang pinandigan ang posisyon niya hinggil sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
MAKI-BALITA: Sen. Risa, sang-ayon kay Sen. Koko na dapat dinggin na agad impeachment vs VP Sara
Sinulatan pa nga niya ang Senate President na si Chiz Escudero upang igiit na dapat nang dinggin ng Senado ang paglilitis sa bise presidente, na sinang-ayunan naman ni Senador Risa Hontiveros, na bahagi rin ng minority bloc.
MAKI-BALITA: Pimentel, sinulatan si SP Chiz ukol sa VP Sara impeachment; iginiit Fil. translation ng 'forthwith'
Ngunit tapos na ang panunungkulan ni Pimentel sa Senado kaya hindi na siya nakatawid pa sa 20th Congress. Sinubukan niya kumandidato sa pagkongresista sa first district ng Marikina pero bigo siyang nanalo laban kay noo’y Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro.
Kaya naman ngayon ay mas malaya na siyang makapagbibigay ng komento tungkol sa ginagawa ng lehislaturang sangay ng gobyerno.
Aniya, “I’m feeling great, I’m feeling liberated and free. So now we can be the ‘mata ng bayan.’ We can now freely comment on what our legislature is doing.”
MAKI-BALITA: Koko Pimentel 'feeling great, liberated, free' ngayong wala na sa Senado