Pinabulaanan ni Kapuso actress Klea Pineda ang isyu na may kinalaman ang Kapamilya actress na si Janella Salvador sa kanilang hiwalayan ng kaniyang ex-girlfriend.
Nilinaw ito ni Klea matapos kumalat ang isyu at madawit ang pangalan ni Janella.
“Of course, of course, I’m aware sa nangyayari but ang sinasabi ko, ako ang nagsasabi mismo sa inyo, walang third party na nangyari,” ani Klea sa panayam ng GMA News, sa naganap na GMA Gala 2025 noong Sabado, Agosto 2.
Nagbigay pahayag naman siya tungkol sa closeness niya kay Janella Salvador, at sa iba pa niyang mga co-actress sa 2025 Cinemalaya Finalist film na “Open Endings.”
“Yung closeness namin ni Janella, inevitable siya kasi magkasama kami sa film," aniya.
“So kaming apat sa film, si Jasmine, si Leanne, si Janella, and me, yung closeness namin talaga na-develop during shooting days namin," dagdag pa niya.
Matatandaang nakapanayam na si Klea Pineda sa "Fast Talk with Boy Abunda" noong Hulyo 18, 2025 at ibinahagi rin ang nangyaring hiwalayan nila ni Katrice.
“May kaniya-kaniya na kaming priorities. Mutual decision ‘yung nangyari. Gusto niya unahin ang sarili niya. Gusto ko rin piliin ang sarili ko this time," pahayag ng aktres.
Emosyonal namang ibinahagi ni Klea na wala siyang pagsisisi sa naging relasyon nila ni Katrice.
"Tito Boy, sa buong 3 years namin, wala akong regrets at all, sa relationship namin ni Kat. Ang dami niyang natulong sakin, ang dami kong matutunan sa kaniya about love, about life. And I am sure ganun din 'yong nagawa ko for her,” aniya.
Marami ang humanga sa tatlong taon ng kanilang relasyon ngunit inamin din ni Klea na umabot din sila ni Katrice sa puntong naramdaman nilang hindi na sila nakakatulong sa isa’t isa bilang magkasintahan.
KAUGNAY NA BALITA: Priorities muna! Klea Pineda hiwalay na sa girlfriend na si Katrice Kierulf-Balita
Wala pa ring pahayag si Janella Salvador ukol sa isyung ito.
Vincent Gutierrez/BALITA