“You changed my life!”
Ito ang masayang pahayag ng food delivery driver sa Antipolo na si Jeremiah Mendoza nang kumustahin ng Balita nitong Linggo, Agosto 3 sa isang eksklusibong panayam tungkol sa lagay niya at ng mga alagang pusa nito.
Matapos ang nag-viral na post nito sa isang Facebook group noong Sabado, Hulyo 26, kung saan naghahanap siya ng pagkakakitaan sa pamamagitan ng iba’t ibang raket at bilang bayad ay tumatanggap siya ng cash, cat food, at cat litter, ngayon ay nakatanggap na ito ng mga donasyong cat food at cat litter at kasalukuyang may kausap para sa kaniyang trabaho.
“You've changed my life! People donated cat foods and litter! I now have a total of 5 bags of litter sand, 7 pouches of wet dry food, 5kg of dry cat food, some of which tinabi ko to feed strays. I am very thankful!” saad ni Mendoza sa isang eksklusibong panayam sa Balita.
“Dahil po sa inyo, makakatulog po sila ng mahimbing knowing may kakainin sila paggising nila. Maraming maraming salamat po!” dagdag pa nito.
Ayon sa kaniya, naging paborito pang higaan ng isa sa mga alagang pusa ang cat food donasyon ng isang pet supplies store dahil sa sobrang dami nito.
Dahil rin sa masaganang supply ng cat food, nagawa rin nitong magpakain ng isang stray cat pauwi galing sa pet store.
“The stray is very thankful and nahiga siya comfortably sa ilalim ng van after kumain. Nasiraan ako ng motor n'yan. Kung hindi ako tumirik, hindi ko siya mapapakain. Hindi kami magkakakilala. Galing ako n'yan sa store ni Ma'am Camille of 6al pet supplies. Very thankful ako kay Ma'am Camille of 6al pet supplies kasi dahil sa bigay n'ya, napakain ko ang miming. Naging instrument ako para tumulong sa ibang miming. Ngayon may tinabi akong dry cat food para kapag may madaanan ako strays papakainin ko sila,” aniya.
Kuwento bago mag-food delivery
Sa eksklusibong panayam ng Balita sa kaniya, bago maging food delivery driver, si Mendoza ay isang bicycle shop owner noong 2019 kung saan ito’ pinangalanan niyang “Praxcycles” at ayon sa kaniya ay nakilala sa kanilang lugar sa Rizal bilang isa sa mga kilalang bicycle mechanics shop.
Pumasok din siya sa pagho-home service dahil sa dagsa ng mga costumer sa kaniyang shop, sa social media page nito, umani ng mahigit-kumulang 7K likes bago isara.
“The rate for bicycle disassembly/assembly sa small local bike shops at the time was ₱500. It would take me an hour or two, at okay lang sa akin kahit magkano ibayad nila. Kahit ₱100, ₱150 for the service, okay lang. Sometimes, I do small repairs for free. Most of the time, I teach it to them rin. It was open 24 hours too, kasi nasa garahe lang. Ginawa ko siyang 24 hours para doon sa mga nagbabike na nasisiraan sa mga oras na sarado na/sarado pa 'yung mga local bike shops. I got their backs,” saad niya tungkol sa masaganang operasyon ng dating negosyo.
Ngunit, kinailangang isara ni Mendoza ang Praxcycles dahil sa iba’t ibang dahilan na nakaapektong sa kaniyang buhay pang-pinansiyal at personal.
“Hindi na-manage nang maayos 'yong pondo kaya naubos tapos hindi na nakabangon. Then, I did detailing ng mga big bikes, Vespas, and Lambrettas. It was OK. Hindi maganda mental health ko because of my relationship at the time so I stopped doing everything,” kaniyang pagbabalik-tanaw.
Taong 2023, nagsimula siyang pumasok sa pagdi-deliver, gayunpaman, hindi naging masagana ang kinikita kumpara noon.
“Sapat lang talaga 'yong kita sa panggastos sa araw-araw. Walang ipon. Nasa 500-600 lang ang average na kita ko sa isang araw kong byahe, gasolina pa at maintenance. I do all the maintenance myself. May ipon ako at the time at ayun pinagtustos ko sa pang araw-araw,” dagdag nito.
Ngunit sa kalagitnaan ng kakapusan, hindi siya nawalan ng kabutihang loob sa buhay, at isa sa mga naging motibasyon nito ay ang pagre-rescue at paga-aalaga ng mga pusa, kung saan ay bata pa lamang siya ay nakahiligan na niyang gawin.
Nang tanungin ang dahil bakit ganon na lamang ang pagkalinga sa mga pusa, ang nasabi lamang niya ay masaya at mahal niya ang mga ito.
Sa pagtatapos ng panayam, nagpahayag ng pasasalamat si Mendoza sa saya na dulot ng mga inaalagaang pusa.
“Sobrang nakakatuwa, buong-buo talaga buhay ko dahil sa kanila. Kahit naghihirap ako, feel ko ang yaman ko sa pagmamahal galing sa kanila.”
Sa mga nagnanais magpaabot ng tulong kay Mendoza, mangyaring makipag-ugnayan lamang sa kaniyang Facebook account.
Sean Antonio/BALITA