January 11, 2026

Home FEATURES Human-Interest

BALITAnaw: Ang Libreng Kolehiyo sa nagdaang 8 taon

BALITAnaw: Ang Libreng Kolehiyo sa nagdaang 8 taon
Photo courtesy: Bam Aquino, CHED (FB)

Magpasahanggang ngayon, tanyag pa rin ang isang kasabihan mula sa dating pangulo ng South Africa na si Nelson Mandela: “Education is the most powerful weapon which you can use to change the world.”

Tiyak na napakahalaga ng edukasyon sa mga tao, lalong-lalo na sa kabataan, kung kaya’t walang tigil ang pagtawag sa pagkakaroon ng kalidad at libreng edukasyon para sa sa kanila.

Noong Agosto 3, 2017 ay ganap na ipinasa ng pamahalaan ng Pilipinas bilang isang batas ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTE) o Republic Act No. 10931, mas kilala bilang Free Tuition Law, na pinirmahan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay iminungkahi sa unang regular na sesyon ng kongreso noong Hulyo 25, 2016.

Human-Interest

'The rider is not single! Selosang misis, nag-iwan ng paalala sa helmet para sa mga babaeng pasahero

Ito ay nagbibigay mandato sa lahat ng public higher education institutions (HEIs) at government-run technical-vocational institutions (TVIs) sa buong bansa na magbigay ng kalidad na libreng edukasyon sa kolehiyo para sa mga kabataang Pilipino.

Ang matagal nang adhikaing ito ay naglalayong paigtingin ang mas madaling access sa pag-aaral sa kolehiyo, lalo na para sa mga mag-aaral mula sa mahihirap na pamilya.

Ayon sa report ng GMA News, ibinahagi ng Commission on Higher Education (CHED) na noong 2022, halos 2 milyong mga mag-aaral ang nakinabang sa batas na ito, mula sa 220 mga state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs) sa bansa.

Ang unang implementasyon ng batas ay isinagawa noong taong pampaaralan 2018-2019, katuwang ang mga ahensya ng CHED at Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UNIFAST).

Ngayong Linggo, Agosto 3, 2025, ipinagdiriwang ang ikawalong anibersaryo ng pagsasabatas ng legasiyang ito sa larangan ng edukasyon sa bansa.

Makikita sa caption ng Facebook post ni Senator Bam Aquino:

“Mula Senate Bill 177 hanggang sa Republic Act 10931 — isang pangarap na naging batas para sa kabataan at para sa bayan.”

“Walong taon na ang Libreng Kolehiyo, at milyon-milyon na ang nakapagtapos sa SUCs, LUCs, at tech-voc schools nang walang binayarang tuition o miscellaneous fees. Ipinaglaban natin ito dahil naniniwala tayo na ang edukasyon ay karapatan, hindi pribilehiyo.”

Nagpasalamat naman ang senador sa mga kongresistang tumulong upang maisabatas ito. Kasama rin sa kaniyang pinasalamatan ang dating Pangulo Duterte na pumirma upang maapruba ito.

“Pero hindi pa tapos ang laban. Hangga’t may kabataang nangangarap, ipagpapatuloy natin ang laban para sa dekalidad at abot-kayang edukasyon para sa lahat,” anang Sen. Aquino sa caption.

Umani naman ng pasasalamat at suporta mula sa netizens ang post ng senador:

"Maraming salamat po, Sen. Bam Aquino, dalawang anak ko po nakapagtapos ng college, Batangas State University."

"Thank you, Sen. Bam. God bless po, from Tarlac City. Year year po may college na po ako. Salamat po, Sir Bam."

"Thank you po senator Bam napakalaking tulong po sa amin na mahihirap."

Ngayong nanalo bilang senador ng 20th Congress ang “Ama ng Libreng Kolehiyo” sa bansa, inaasahang mas iigting pa ang pagpapalawak ng libre at kalidad na edukasyon sa Pilipinas.

Matatandaan ding inihalal si Senador Bam Aquino bilang Chairman ng Basic Education noong Hulyo 29, 2025.

KAUGNAY NA BALITA: Senate committee chairmanship, inilabas na!-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA