Namatay ang dalawang senior high school students na sakay ng motorsiklo matapos silang sumalpok sa loob ng isang bahay sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Ayon sa mga ulat, sakay ang dalawang babaeng biktima sa motorsiklong minamaneho ng isa pang estudyanteng lalaki nang mangyari ang aksidente.
Ayon sa inisiyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, posible raw nawalan ng preno ang nasabing motorsiklo, dahilan upang bumulusok sila sa loob ng isang bahay na malapit sa kalsada.
Dead on the spot ang dalawang babaeng biktima na bumulagta sa salas ng naturang bahay habang nagtamo naman ng malaking galos sa ulo at mukha ang driver ng motor.
Hindi raw agad nagpadala sa ospital ang driver ng motor matapos niya raw ipagpilitan na hindi iwanan ang dala niyang kasama sa loob ng nasabing bahay.
Ayon pa sa pulisya, wala ring suot na mga helmet ang driver at dalawang biktima.
Samantala, sa hiwalay na pahayag na inilabas ng Office of the Governor ng Zamboanga Del Sur, nagpaalala naman ito hinggil sa pagsusuot ng helmet at istriktong pag-iimplementa nito sa kanilang lugar.
“I believe it is time for us to revisit our ordinances and take urgent steps to strictly enforce the wearing of helmets and other safety rules in accordance with RA 10054, but not undermine the security issues and concerns in its implementation,” anang lokal na pamahalaan ng Zamboanga del Sur.