Patay ang isang dalawang taong gulang na batang lalaki matapos siyang kuyugin ng mga bubuyog habang nasa maisan sa Barangay San Juan, Aurora, Zamboanga del Sur.
Ayon sa mga ulat, kasama ng biktima ang kaniyang lolo sa maisan nang bigla na lamang daw silang inatake ng mga bubuyog.
Sinubukan pa raw takpan ng lolo ng biktima ang nasabing bata sa pag-aakalang siya na lang daw ang puputaktihin ng mga bubuyog ngunit sumunod pa rin daw ang mga ito.
Matapos ang insidente, agad na isinugod ang biktima sa ospital ngunit idineklara na siyang dead on arrival.
Ayon sa inisiyal na imbestigasyon, maaari umanong nasawi ang bata dahil sa mga tinamo niyang galos mula sa mga bubuyog ngunit hindi rin daw iniaalis ng mga awtoridad ang posibilidad na nalunod ang biktima matapos siyang mahulog sa isang sapa nang takasan ang mga bubuyog.
Nakaburol na ang biktima habang patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad.