Nilinaw ni Kapuso comedy-sexy star Rufa Mae Quinto na siya pa rin ang "widow" o biyuda ng namayapang mister na si Trevor Magallanes, na namayapa sa hindi pa malinaw na dahilan.
Ayon sa Facebook post ni Peachy nitong Sabado ng madaling-araw, Agosto 2, siya pa rin ang legal wife ni Trevor kahit na "naghiwalay" na sila, dahil wala naman daw naghain sa kanilang dalawa ng annulment para mapawalang-bisa ang kanilang kasal.
Aminado si Rufa Mae na talagang na-shock siya sa mga nangyari, lalo na ang kanilang anak na si Athena. Nagpasalamat naman siya sa mga nakiramay at patuloy na nagpapadala sa kaniya ng encouraging words.
"Mag asawa pa din kami ni Trevor , walang nag file saamin ng annulment . Dito po kami sa Pilipinas kinasal Nov 25,2016 .Ako po ay Widow/ byuda na, shock pa din at nag luluksa po kaming Mag- ina and Salamat po sa lahat ng condolences and Rip and sympathy heart. Salamat sa pakikiramay," aniya.
"Lord please give me and Athena our daughter strength , Ang sakit," aniya pa.
Sa isa pang Facebook post, nakiusap si Rufa Mae na huwag daw sanang gawing "content" sa social media ang tungkol sa pagkamatay ng mister.
Igalang naman daw sana ng mga tao, lalo na ang mga vlogger, ang pagluluksa nila bilang pamilya, alang-alang na rin sa anak nila.
"Maraming Salamat sa lahat ng nagpadala ng mensahe ng pakikiramay."
"As we cautiously navigate through this emotionally difficult period in our lives, we would appreciate discretion from everyone."
"Nakikiusap ako na huwag naman po ninyong gamitin ang pangyayaring ito para magkaroon lamang kayo ng ‘content,'" pakiusap ni Peachy.
Muling sinabi ni Rufa Mae na bilang legal na asawa ni Trevor, lahat daw ng mga detalye at impormasyon tungkol sa pagkamatay niya ay nararapat lamang daw na magmula sa kaniya.
"As the wife of Trev, all information surrounding his passing will come from me. Ang lahat ng detalye ay maaari ko lang maibigay sa tamang oras."
"For the sake of our daughter, Athena, please refrain from spreading unverified information that she can access through social media."
"Let us just remember the good times that we had with my husband, Trev," pakiusap pa ng komedyana.
Hulyo 31 nang ibahagi ni Rufa Mae sa kaniyang Instagram post ang tungkol sa pagkamatay ng mister, na hindi niya tinukoy ang dahilan.
Hindi naglagay ng kahit na anumang caption si Rufa Mae, subalit batay sa mga komento at mensahe sa kaniya ng mga kasamahan sa showbiz, pumanaw na nga si Trevor sa hindi pa matukoy na dahilan.
Bandang hapon, inedit ni Rufa Mae ang caption ng mga larawan nila ni Trevor at anak. Aniya, nakaramdam siya ng matinding kalungkutan sa mga nangyari, at hiniling niya sa lahat na sana, hayaan muna sila ng kaniyang anak na si Athena na makapagluksa.
"I’m deeply saddened by this development. Hope u give us time to mourn his lost especially my daughter. Just pray for us that we will get thru this by the help of God!" aniya.
Aniya pa, kahit silang immediate family, hindi pa tukoy ang dahilan ng pagkamatay ni Trevor.
Humahanap pa raw sila ng factual information hinggil sa nangyari sa kaniyang mister. Hiniling din niyang sana raw ay mahinto ang pagpapakalat ng fake news at espekulasyon patungkol sa pagkamatay ng mister. Babalik sa US si Peachy kasama ang anak, at ang opisyal na announcement daw tungkol sa pagkamatay ni Trevor ay magmumula sa kaniya.
"We are still gathering factual information about his death. Even us or his immediate family are still verifying what happened. So we kindly ask his friends or anyone to stop spreading fake news or mere speculations about his death. I am flying tomorrow for d US with my daughter so pls wait for the official announcement surrounding his death from me & his family only and not fr any other source," ani Rufa Mae.
"Thank u very much and pls give us respect & pray for us in this time of trial," dagdag pa niya.
Sa dulo ng Instagram post, sinabi ni Rufa Mae na mahal niya si Trevor.
"Hanggang sa huli…. Hanggang sa muli,"
"Mahal kita Trev," pagtatapos ni Rufa Mae.
KAUGNAY NA BALITA: 'Mahal kita Trev!' Rufa Mae, inaalam pa rin dahilan ng pagkamatay ni Trevor
Bandang Disyembre 2024, nagulat na lamang ang mga netizen sa balitang hiwalayan nilang dalawa.
Matatandaang nauna nang inanunsiyo ni Trevor sa pamamagitan ng Instagram story na gumugulong na raw ang proseso ng kanilang divorce, sa hindi naman ipinaliwanag na dahilan.
"'I want to make myself clear that Rufa Mae and I are in the process of a divorce. You may be aware divorce can be very devastating to the children and also the parents," mababasa sa Instagram story ni Trevor.
“All that matters [to] me at this time is getting through the divorce as best as I can and spending time with Athena. Happy holidays!”
KAUGNAY NA BALITA: Mister ni Rufa Mae Quinto, inaasikaso na ang kanilang divorce
Bago nito, ibinahagi rin ni Trevor ang ilang screenshots ng mainit na usapan nila ni Peachy patungkol sa magiging arrangement ng pag-aalaga nila sa anak.
Sa panayam naman sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong Enero 17, itinanggi ni Rufa na pinoproseso na raw nila ni Trevor ang kanilang divorce.
“We’re going through something. Tinatanggap ko. Kasi kung ayaw na rin naman niya, bakit ko hindi rerespetuhin ‘yon?” saad ni Rufa.
Pero dagdag ng komedyante, “‘Yong legalities, ‘yong mga file-file, walang file ng divorce. Hindi ako magpa-file kasi ang dami ko nang file sa kaso.”
Sa panayam naman kay Rufa Mae sa “Ogie Diaz Inspires” noong Enero 24, sinabi ni Rufa na bagama’t wala siyang kutob, naniniwala siyang walang third party involved sa kanilang relasyon.
Dito ay inamin ni Rufa Mae na nagkakalabuan na nga sila ng mister.
“Wala ka namang kutob kung mayro’n siyang iba?” usisa ni Ogie.
“Sa akin, wala,” sagot ni Rufa. “Pero siyempre, kung sa mga nangyayari, parang siguro mapag-iisip-isip ka minsan, ‘di ba. Pero sa akin, hindi ‘yon ang kutob ko, e.
"Saka hindi isyu sa amin ‘yon kasi hindi naman ako selosa, e. Sabi naman niya, wala raw. Naniwala ako. Kasi ba’t naman siya magsisinungaling?” dugtong pa niya.
Sa katunayan, wala pa raw talagang ideya si Rufa kung bakit gustong makipaghiwalay sa kaniya ni Trevor. Pero ang posible raw na dahilan ay ang kawalan niya ng oras dahil sa kalikasan ng kaniyang trabaho.
“Baka lang for me. ‘Yon ang naging pagkukulang ko. Na hindi ako available everyday. Sa showbiz pa, minsan parang pack up. Gulo-gulo,” saad ni Rufa.
KAUGNAY NA BALITA: Rufa Mae Quinto, naniniwalang walang ibang babae si Trevor Magallanes
Bandang Mayo 2025, sa muling pagtapak ni Rufa Mae sa panayam kay Boy sa Fast Talk, dito na inamin ni Rufa Mae na kahit legally married pa rin sila ni Trevor, ay sinisikap na raw nilang mag-move on sa kanilang relasyon.
"Move on muna, pero we respect each other. Kasi nga masyado nang ano eh — ’di ba para mag-clarity na rin lahat," anang Rufa Mae.
"Siyempre mahal ko, asawa ko ‘yon eh, ‘di ba? Hanggang ngayon naman asawa ko pa rin naman siya eh. Kaya lang, ayaw na rin niya, so ayaw ko na rin at ginagalang ko ‘yon kasi mas kadiri naman kung ayoko pang tumigil, ‘di ba?" paliwanag pa ng komedyana.
Kahit hiwalay, maayos naman daw ang relasyon nina Trevor at anak nilang si Athena.
Inamin din ni Rufa Mae na matagal na silang may marital problems ng mister, subalit mas pinili niyang manahimik para sa kapakanan ng kanilang anak, bagay na hindi na rin niya idinetalye.
Hanggang sa pumutok na nga ang balita ng pagkamatay ni Trevor, na hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa lahat.