Aminado ang showbiz insider na si Cristy Fermin na nabigla siya nang malamang may arrest warrant na sila ng mga kasamang sina Romel Chika at Wendell Alvarez kaugnay sa kasong cyber libel case na isinampa laban sa kanila ni Kapuso star Bea Alonzo.
Hulyo 31, napanood pa rin sa kaniyang programang "Cristy Ferminute" si Cristy matapos makapagpiyansa nang lumabas ang arrest warrant mula sa Quezon City Regional Trial Court Branch 93 para sa kanilang tatlo noong Hulyo 30.
Sey ni Cristy, hindi na raw bago sa kaniya ang magkakaso dahil kakambal daw ito ng kaniyang propesyon, subalit nagulat siya nang bigla na lamang lumabas ang warrant of arrest na noon pa raw Hulyo 21 nai-release.
Hindi raw sila nakatanggap ng resolusyon nang dinggin ang kaso sa piskalya, maging ang kanilang mga abogado.
Naunahan pa raw ng mga pahayagan at social media ang tungkol sa balitang ito, bago nakarating sa kanila.
Maaaring may kinalaman daw ang sunod-sunod na bagyo at sama ng panahong dulot ng hanging habagat kaya delayed na nakarating sa kanila ang tungkol sa warrant of arrest.
"Lagi ko po kasing sinasalubong 'to eh, 'yong nagbo-voluntary surrender na po ako agad, hindi ko na po hinihintay pa na lumabas ang warrant of arrest. Hinihintay ko lang po na ma-raffle, at kapag nalaman ko na po kung saang sala o kung saang branch napunta ang kaso, ay nagbe-bail na po ako," paliwanag ni Cristy.
"First time po ito na wala kaming tinanggap na resolusyon, kaya nagkabiglaan," anang Cristy.
Isang tawag daw mula sa isang entertainment news journalist ang natanggap ni Cristy at sa kaniya pa raw niya nalaman ang tungkol sa warrant of arrest.
Pero ang mahalaga naman daw ay nakapagpiyansa agad sila.
KAUGNAY NA BALITA: Cristy, 2 co-hosts inisyuhan na ng arrest warrant mula sa isinampang kaso ni Bea
CYBER LIBEL CASE NA ISINAMPA NI BEA ALONZO
Noong Mayo 2024 nagsampa ng kasong cyber libel si Bea laban kina Cristy Fermin, Romel Chika, at Wendell Alvarez sa Quezon City Prosecutors Office.
Bukod sa mga nabanggit, sinampahan din ni Bea ng cyber libel case ang isa pang showbiz insider, at anak-anakan ni Cristy na si Ogie Diaz.
Sina Cristy, Romel, at Wendell ay hosts ng entertainment vlog na "Showbiz Now Na" kung saan tinatalakay nilang tatlo ang pinakamaiinit na isyu at intriga tungkol sa showbiz.
Kasama ni Bea ang kaniyang legal counsel na si Atty. Joey Garcia at manager na si Shirley Kuan, nang magsampa sila ng kaso.
Batay sa ulat ni Nelson Canlas sa "24 Oras," sinabi niyang nakasaad sa complaint affidavit ni Bea na siya raw ay naging biktima ng “mali, malisyoso at mga mapanirang impormasyon na mula sa nagpanggap na malapit sa kaniya at inilathala at pinag-usapan sa online shows nina Fermin at Diaz nang walang basehan.”
Nag-ugat ito sa naibahagi ni Cristy patungkol sa reklamo umano ng dating driver sa work conditions, benefits, at overtime pay noong panahong naninilbihan siya kay Bea.
Sinabi ni Cristy na ang source niya ay ang kasintahan ng mismong driver.
Maging ang sinasabing source ni Cristy na girlfriend ng dating driver ni Bea ay sinampahan din niya ng kasong cyber libel.
Nag-ugat ang paksang ito sa kontrobersiyal na hiwalayan nina Bea at ex-fiance na si Dominic Roque.
Samantala, pursigido naman si Cristy na ilaban ang kasong isinampa laban sa kaniya ni Bea.
KAUGNAY NA BALITA: Bea Alonzo, naghain ng cyber libel cases laban kina Cristy Fermin, Ogie Diaz