December 14, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Kahit matagal nang patay si Dolphy: Epy Quizon, may 'sustento' pa rin mula sa kaniya

Kahit matagal nang patay si Dolphy: Epy Quizon, may 'sustento' pa rin mula sa kaniya
Photo courtesy: Screenshots from Julius Babao UNPLUGGED (YT)

Naikuwento ng aktor na si Epy Quizon na kahit pala matagal nang sumakabilang-buhay ang amang si Comedy King Dolphy, patuloy pa rin siyang nakatatanggap ng allowance o pinansyal na tulong mula sa kaniya, gayundin sa iba pa niyang mga kapatid.

Sa panayam kay Epy ni Julius Babao na mapapanood sa YouTube channel ng batikang broadcast journalist, naisalaysay ng aktor ang ilang mga detalye sa buhay niya kabilang na ang pagsisimula sa showbiz.

Aktibo pa rin si Epy sa showbiz at in fairness ay hindi nababakante pagdating sa proyekto sa telebisyon at pelikula, pero abala rin siya sa ilang negosyong namana nila mula sa kanilang ama. Katuwang niya sa pamamalakad ng mga negosyong ito ang mga utol.

Ayon kay Epy, may sapat na allowance silang natatanggap mula sa mga naiwan ni Dolphy, kaya kahit nga wala na siya sa mundo, patuloy pa rin nilang nararamdaman ang presensya at pagmamahal nito sa kanila.

Tsika at Intriga

Bianca dadalhin sa langit si Will, si Dustin naman sa impiyerno

Bagama't ang misconception ng marami ay super rich at bilyonaryo ang pamilya Quizon, may mga ekta-ektaryang lupain, franchise ng panaderya, at may mga alak na iniimport sa ibang bansa, hindi raw totoo ito.

Totoo naman daw na malaki ang negosyo nila, pero marami silang naghahati-hati sa kita.

Dalawampu silang magkakapatid—labing-walo na lang ngayon dahil sa pagpanaw ng dalawa—kaya naman hati-hati ang kita. Ang natatanggap nila ay nasa porma ng royalty, o bahagi sa kita, kaya’t hindi raw sila lubhang marangya tulad ng inaakala ng marami.

Ibinahagi pa ni Epy na kahit ang mga kapatid nilang namayapa na ay may parte pa rin sa kita, na direktang napupunta sa kanilang mga pamilya.

Nauntag naman si Epy kung sino sa mga magkakapatid ang tumatayong "lider" para patas ang hatian sa mga mana ni Dolphy. Nabanggit niya ang panganay na kapatid, direktor, at kapwa aktor na si Eric Quizon.

Mahusay raw talaga si Eric pagdating sa pag-handle ng pera kaya naman naipamamahagi ito sa kanilang mga magkakapatid.

Ayon pa sa kaniya, maayos ang sistemang ipinatupad pagdating sa hatian ng ari-arian. Lahat ay may pantay na bahagi at walang naiiwan.

"I’ll give my hats off to my brother Eric for pushing the boundaries in what we can do," pahayag ni Epy.

Kaya nga kahit si Julius ay talagang napahanga kay Pidol dahil bago pa man siya mawala sa mundo, makikinabang sa kaniyang mga pinaghirapan noon ang kaniyang mga anak at apo.

ANG LEGASIYA NI MANG DOLPHY

Nagluksa ang mundo ng showbiz nang pumanaw si Rodolfo Vera Quizon, Sr., o mas kilala sa screen name niyang Dolphy, sa edad na 83 noong Hunyo 10, 2012.

Kinumpirma ito ng kaniyang longtime partner na si Divine Diva Zsa Zsa Padilla. Kasama siya at mga anak ng Comedy King nang bawian siya ng buhay.

Ayon sa mga ulat, isinugod sa Makati Medical Center ang Hari ng Komedya dahil sa sakit nitong pneumonia. Agad daw siyang kinabitan ng respirator dahil sa kahirapang paghinga.

Batay sa inilabas na opisyal na pahayag ng Makati Medical Center kung saan naka-confine noon si Pidol, ang ikinamatay niya ay "due to multiple organ failure secondary to complications brought about by severe pneumonia, chronic obstructive pulmonary disease, and acute renal failure."

Nalagasan ang industriya ng showbiz sa pagpanaw ni Pidol, na markado sa paggawa ng iba't ibang sitcom kagaya na lamang ng "John en Marsha," "Home Along Da Riles," at marami pang iba.

Nasa higit 200 pelikula ang nagawa ni Pidol, na karamihan ay comedy, pero isa sa mga tumatak na pelikulang "seryoso" siya ay "Markova: Comfort Gay" kung saan kasama niya ang mga anak na sina Eric, at si Epy, na gumanap bilang younger versions ng Walterina Markova, na siyang ginampanan naman niya.