December 16, 2025

Home FEATURES Human-Interest

'Ganiyan dapat!' Claim stub ng relief operations sa Calasiao, aprub sa taxpayers

'Ganiyan dapat!' Claim stub ng relief operations sa Calasiao, aprub sa taxpayers
Photo courtesy: Information On Dagupan (FB)

Usap-usapan ng mga netizen ang larawan ng claim stub mula sa Calasiao, Pangasinan dahil sa mababasa rito na pabor sa mga mamamayang nagbabayad ng buwis.

Ibinahagi sa Information On Dagupan Facebook page ang isang claim stub para sa mas mabilis at maayos na pamimigay ng relief operations, na tila kaugnay sa mga nagdaang sunod-sunod na pag-ulang dulot ng bagyo at habagat, na naging dahilan naman ng ilang pagbaha.

Kapansin-pansin kasing walang nakalagay na pangalan ng kahit na sinong politiko mula rito.

Ang nakasaad na "MULA SA BUWIS NG MAMAMAYAN NG CALASIAO" ang talagang nagustuhan at pinalakpakan ng mga netizen, lalo na ang mga nagbabayad ng buwis.

Human-Interest

ALAMIN: Online at physical stores ng puto bumbong na 'magpapa-cravings satisfied' sa’yo

Tila kinasanayan na raw kasi na lagi na lang may mukha o pangalan ng kung sinong opisyal ng pamahalaan ang mga ipinamimigay na relief goods, na nagsisilbing "paalala" para sa lahat.

Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng mga netizen:

"This is how its done!"

"Good job CALASIAO......give credit where credit is due"

"Salute to the officials!"

"Yan o, Hindi yong mag bigay Sila kesyo galing Kay ganyan Kay ganito e Ang laking DSWD Ang box haaays at Wag daw kalilimutan yong nagpa abot na tao, Aweeey, for saying lang ako."

"Ganito dapat. Galing sa TAXPAYERS ang AYUDA."

"A small step toward big change. Good job to the LGU of Calasiao for giving credit where it’s due."

Umabot sa 33k reactions, 4.8k shares, at 729 comments ang nabanggit na post, habang isinusulat ang artikulong ito. 

SINO ANG MAYOR NG CALASIAO?

Ang kasalukuyang punong bayan ng Calasiao ay si Mayor Patrick Agustin Caramat.

Lagi siyang nagbibigay ng updates sa kaniyang social media platform, partikular sa kaniyang opisyal na Facebook page, sa pagsasagawa ng relief operations sa kanilang munisipalidad, sa kasagsagan ng masungit na panahon.

Batay sa mga larawan, kapansin-pansing walang nakalagay na pangalan o larawan niya kahit sa mga ipinoposteng tarpaulin, kagaya na lamang sa pamamahagi ng cash incentives para sa mga lolo at lolang may edad 80, 85, 90, at 95.

Mapapansin ding hands-on din ang mayor sa pagsama sa relief operations upang personal na makita ang kalagayan ng ilang mga nasalantang lugar.

Noong Hulyo 29, nagpasalamat ang alkalde sa lahat ng mga tumulong para sa pagsasagawa ng relief operations.

"Sa kabila ng malakas na buhos ng ulan at pagtaas ng tubig, walang umatras sa hamon. Mula po sa paghahanda hanggang sa paglikas ng ating mga kababayang nahaharap sa banta ng bagyo, hindi niyo po iniwan ang mga Calasiaoeño. Kahit po sa distribusyon ng relief at sa pag-asikaso sa mga inilikas, kayo ay nanatili," aniya.

"Buong puso po akong nagpapasalamat sa lahat empleyado ng lokal ng pamahalaan, national agencies, at non-government organizations. Ganun din po sa mga volunteers. MARAMING SALAMAT po sa inyong lahat para sa inyong serbisyo at sakripisyo. May God Bless your Good Heart," dagdag pa niya.