December 14, 2025

Home BALITA National

Batas ng pagbabalik ng Filipino, Panitikan sa kolehiyo, isinulong ng ACT Teachers at Kabataan party-list

Batas ng pagbabalik ng Filipino, Panitikan sa kolehiyo, isinulong ng ACT Teachers at Kabataan party-list
Photo courtesy: ACT Teachers, Kabataan party-list (FB)

Muling nanawagan ang ACT Teachers Party-list at Kabataan Party-list sa Malacañang na isama sa listahan ng mga prayoridad na panukalang batas ang House Bill 571, isang hakbang na layuning palakasin ang posisyon ng wikang Filipino at Panitikan sa sistemang edukasyonal ng bansa.

Sa kanilang opisyal na pahayag sa social media, hinihimok din ng dalawang party-list ang mga miyembro ng Kongreso na suportahan ang panukala, at ang mga senador na maghain ng katumbas na bersyon nito sa Senado.

“Makabuluhang Buwan ng Wika sa lahat! Muli tayong nananawagan sa Malakanyang na isama sa prayoridad na lehislasyon ang Panukalang Batas 571 ng ACT Teachers Party-List at Kabataan Partylist,” saad ng pahayag.

Ang Panukalang Batas 571 ay naglalayong ibalik at patatagin ang pagtuturo ng mga asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo, kasunod ng mga isyung lumitaw matapos alisin ang mga ito bilang core subjects sa ilalim ng K to 12 curriculum.

National

Sen. Robin, 'di na trip tumakbo sa Halalan 2028

Ipinunto rin ng ACT Teachers Party-list na batay sa pinal na desisyon ng Korte Suprema, may kapangyarihan ang mga unibersidad at kolehiyo na muling ipaloob sa kanilang mga kurikulum ang Filipino at Panitikan, kung nanaisin ng mga ito.

“Noon at ngayon, kaisa nyo ang ACT Teachers Party-list bilang tunay na tinig ng guro at kawani sa edukasyon, at tunay na kampeon din ng wika at bayan!” dagdag pa nila.

Nag-ugat ang panawagan sa pangamba ng maraming guro, mag-aaral, at tagapagtaguyod ng wika na tuluyang mapapabayaan ang pag-aaral ng sariling wika at panitikan sa mas mataas na antas ng edukasyon.

Sa pamamagitan ng nasabing panukala, layunin ng mga mambabatas na muling bigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng makabayang edukasyon na nakaangkla sa sariling wika at kultura.

Sa gitna ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto, umaasa ang mga tagasuporta ng House Bill 571 na maging konkretong hakbang ito tungo sa pagpapalalim ng kamalayang pangwika ng mga Pilipino, lalo na sa hanay ng kabataan at edukador.