Ipinagdiriwang ang Buwan ng Wikang Pambansa tuwing Agosto para mapalaganap sa mga Pilipino ang pagkakakilanlan, kasaysayan, at importansya ng Wikang Filipino, sa pangunguna ng ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na isang ahensya ng gobyerno na naatasang maglunsad ng mga pananaliksik sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang wika sa bansa.
Ayon sa Proclamation No. 1041 na nilagdaan ni dating pangulong Fidel V. Ramos noon 1997, kung saan idineklara ang Agosto bilang “National Language Month” o Buwan ng Wika.
Nakasaad din dito na bilang katutubong wika, ang Filipino ay isang importanteng daan para sa komunikasyon, pagkakaintindihan, pagkakaisa, at pag-unlad ng bansa.
Kung kaya’t bilang pagbibigay pugay sa selebrasyon ng pambansang wika, narito ang ilang pelikula na nagpapakita ng mayamang kultura na nakapaloob sa paggamit ng wikang Filipino.
1. Heneral Luna (2015)
Bilang pagbibigay pugay sa kabayanihan ni Heneral Antonio Luna, itinalakay dito ang kaniyang paglaban para sa kalayaan ng Pilipinas laban sa pananakop ng mga Amerikano.
Ang pelikulang ito ay nag-uwi ng mga parangal noong 2016 tulad ng Best Screenplay, Best Cinematography, at Best Picture.
2. GOYO: Ang Batang Heneral (2018)
Isa pang pelikulang hango sa isa sa mga bayani ng bansa, ang ikinukwento rito ang
Buhay ni Gregorio “Goyo” Del Pilar na pinangunahan ang digmaan sa Tirad Pass laban sa mga Amerikano.
Ang pelikulang ito ay umani ng iba’t ibang parangal tulad ng Best Screenplay, Best Production Design, at Best Picture sa Film Academy of the Philippines (FAP), Outstanding Achievement sa Cinematography sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences Awards (FAMAS), at Movie of the Year sa Star Awards.
3. The Kingdom (2024)
Ikinuwento ang istorya ng isang Pilipinas na hindi nasakop ng mga bansang Espanya, Amerikano, at Hapon, sa pamamahala ni Lakan Makisig.
Sa bersyon ng Pilipinas na ito, ipinakita ang mga isyung politikal, pamilya, at sigalot ng mga taong bayan laban sa namamahalang pamilya.
Ang pelikulang ito ay nag-uwi ng mga parangal sa Metro Manila Film Festival (MMFF) noong 2024 tulad ng Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award, Best Visual Effects, at Best Screenplay.
4. Pan de Salawal (2018)
Ito ay istorya ng isang batang pulubi na si Aguy, na mayroong misteryosong kakayahang magpagaling ng mga sakit maliban sa kidney disease ng isang matandang si Sal.
Sa kalagitnaan ng simpleng kuwento sa pang araw-araw, si Aguy at Sal ay nagkaroon ng mahiwagang paglakbay na bumago sa kanilang mga buhay.
Ang pelikulang ito ay nanalo bilang Best Low Budget Film and Best Screenplay sa Calella Film Festival sa Espanya.
5. Respeto (2017)
Istorya ng isang kontemporaryong makata, sinusundan sa pelikulang ito ang kuwento ni Hendrix na pangarap bumuo ng malaking pangalan bilang rapper sa kabila ng dahas na nangyayari sa kaniyang paligid.
Naging highlight ng pelikulang ito ang mga laro sa salitang Filipino sa pagtalakay sa mga isyung sa pamilya at lipunan.
Dahil dito, ang Respeto ay umani ng mga karangalan tulad ng Best Film at Best Sound sa Cinemalaya, 2017 NETPAC (Network for the Promotion of Asia Pacific Cinema) Award, at Audience Choice Award.
At sa darating na Oktubre, ilalabas ang pelikula na base sa buhay ni dating presidente, at “Ama ng Wikang Pambansa” Manuel L. Quezon na gagampanan ni Jericho Rosales sa direksyon ni Jerrold Tarog na nanguna rin sa mga pelikulang “Heneral Luna” at “GOYO: Ang Batang Heneral.”
Sa pag-usad ng teknolohiya sa bansa, mahalagang magamit ito sa paglinang at pagyabong ng kaalaman tungkol sa wikang pambansa.
At isa sa mga epektibong paraan nito ay ang paggawa at paggamit sa impluwensiyang dala ng mga pelikulang tatalakay sa mga kuwentong Pilipino at ang kultura nito, na makaaabot sa milyon-milyong tao sa loob at labas ng bansa.
Sean Antonio/BALITA