January 08, 2026

Home BALITA National

Singil sa kuryente, lalo umanong tumaas sa loob ng unang tatlong taon ng PBBM admin

Singil sa kuryente, lalo umanong tumaas sa loob ng unang tatlong taon ng PBBM admin
Photo courtesy: via MB, Bongbong Marcos/FB

Kinumpirma ng Energy Regulatory Board (ERC) na patuloy ang pagtaas umano ng singil ng Meralco sa loob ng unang tatlong taong panunungkulan ni Pangulong “Ferdinand” Bongbong Marcos, Jr.

Ayon sa ulat ng TV Patrol noong Huwebes, Hulyo 31, 2025 na batay na rin sa datos ng ERC, patuloy na tumaas ang singil ng Meralco magmula ng mag-umpisa ang administrasyon ni PBBM noong 2022.

Saad pa ng nasabing ulat, pumalo sa ₱10.38/kwh ang singil ng Meralco sa pagpasok ng administrasyon ni PBBM noong 2022, na sinundan pa ng pagtaas sa mga nakalipas na taon katulad ng ₱11.82/kwh noong 2023, ₱12.17/kwh noong 2024 at ₱12.84k/wh nitong 2025.

Paliwanag ng ERC, rumatsada ang singil ng Meralco matapos daw nitong pasukin ang bagong kontrata sa mga natural gas plants.

National

11M bata, target mabakunahan sa Ligtas-Tigdas Vaccination ngayong Enero

“Ang drive talaga ng pagtaas n’ya ay yung mga natural gas plants. Kung saan bago yung kontrata na pinasok nung Meralco at kasama din yung sister company ng Meralco doon sa ownership ng gas plant. So, kasama ‘yan sa ineevaluate ng komisyon,” ani Atty. Monalisa Dimalanta, Chairperson ng ERC.

Samantala, sinilip din ng ERC ang epekto raw ng value added tax (VAT) sa singil ng kuryente na siyang maaaring magpababa sa singilin sa publiko kung aalisin ito. Tinatayang nasa ₱1.38/kwh daw ang mababawas sa singil ng kuryente kada buwan kung maipatutupad ito. 

Hirit pa ni Dimalanta, “Anong programa ng gobyerno ang hindi mapopondohan ‘pag tinanggal yung charges? But definitely, easy win ‘yan sa electricity rates. Mapapababa talaga, instantly ‘pag tinanggal mo yung VAT.”