Inihayag ni Sen. Jinggoy Estrada na marami sa mga senador ang pabor na sumunod na ang Senado sa hatol ng Korte Suprema sa articles of impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Sa panayam sa kaniya ng media noong Huwebes, Hulyo 31, 2025, iginiit niyang wala na raw mangyayaring impeachment trial matapos ideklara ng Korte Suprema ang articles of impeachment ni VP Sara na “unconstitutional” at tanggalan ng hurisdiksyon ang Senado na hawakan ito.
“No more [trial]. Dahil unconstitutional na nga yung finile ng House of Representatives. So we do not have any jurisdiction anymore. And the Senate will not convene as an impeachment court because we don’t have any jurisdiction anymore,” ani Jinggoy.
Saad pa ni Jinggoy nasa 19 hanggang 20 na senador na raw ang nagpahayag ng suporta sa naturang desisyon ng Korte.
“Sabihin nating to abide by the ruling, mga 19 to 20,” anang senador.
Dumipensa rin siya sa desisyon ng karamihang senador hinggil sa pagsunod na lamang sa desisyon ng Korte Suprema.
“Kami mga mambabatas, gumagawa ng batas tapos di susunod sa batas? That’s awkward. Kung kami mga mambabatas, ayaw namin sundan ang Korte Suprema ano pa kaya ang iba, yung mga ordinaryong tao na may kaso na adverse sa kanila, hindi na rin nila susundin? Eh magkakagulo ang gobyerno,” aniya.
Matatandaang ayon sa nasabing desisyon ng Korte Suprema, nilabag umano ng ikaapat na impeachment complaint ang one year rule at due process sa proseso ng isang impeachment.
“The SC has ruled that the House impeachment complaint versus VP Sara Duterte is barred by the one-year rule and that due process or fairness applies in all stages of the impeachment process,” saad ng nasabing desisyon.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, ‘di pa rin lusot sa mga kaso kahit ‘unconstitutional’ ang articles of impeachment—SC