December 14, 2025

Home BALITA

Filipino, mga katutubong wika solusyon sa problema ng Pinas sa literacy—KWF

Filipino, mga katutubong wika solusyon sa problema ng Pinas sa literacy—KWF
Photo Courtesy: via MB

Posible umanong umunlad ang literacy ng mga estudyante sa basic education kung wikang Filipino ang gagamitin bilang wikang panturo sa mga aralin sa eskuwelahan.

Matatandaang natuklasan ng Senate Committee on Basic Education noong Abril 2025 na tinatayang 18 milyong estudyante sa Pilipinas ang nakapagtapos ng high school na itinuturing bilang “functionally illiterate” o nakakabasa ngunit hindi nakakaunawa ng binasa.

Ito ay ayon umano sa inilabas na datos ng Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS) na ginawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) ikalawang bahagi ng 2024. 

Ngunit nilinaw naman ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Ronald Mendoza sa pamamagitan ng posisyong papel na ang ginawang survey ng PSA ay hindi lang umano limitado sa mga nakapagtapos ng high school. 

DPWH sa Senado: 'Restore the deducted amounts from the projects in the 2026'

Bukod dito, binanggit din ni Mendoza na nirebisa na raw ng PSA ang depinisyon ng “basic and functional literacy.”

“As a result of these definitional changes, overall literacy rates have decreased,” saad ni Mendoza.

Kaya naman eksklusibong kinapanayam ng Balita si Full-time Commissioner Benjamin Mendillo, Jr. sa pambungad na programa para sa Buwan ng Wika nitong Biyernes, Agosto 1, upang alamin ang papel ng Filipino at ng iba pang katutubong wika sa paglutas ng problemang ito sa literacy.

“Ang impormasyong ito na inilabas ng PSA ay isang mahalagang datos para sa komisyon upang patunayan na ang literasiya ngayon ay mababa, partikular sa pagbasa,” saad ni Mendillo.

“Ang ibig sabihin lang nito,” pagpapatuloy niya, “ang komisyon ay kailangang maglabas ng marami pang mga sangguniang aklat na nakasulat sa wikang Filipino na madaling basahin, at madali nilang matutuhan ang mga konsepto nito, at nakakapag-udyok ng kritikal na pag-iisip.”

Dagdag pa ng komisyoner, “Ang nangyayari kasi ngayon, ang mga babasahin natin ay nakalimbag sa wikang Ingles. At dahil diyan, pinatutunayan ng datos na ito na ang mga Pilipinong mag-aaral ngayon ay hindi masyadong maalam sa wikang Ingles.”

Ayon kay Mendillo, kung magkakaroon umano ng paradigm shift sa pagtuturo mula wikang English patungong wikang Filipino, baka mabago ang datos na inilabas ng FLEMMS.

Kaya ang mensahe niya sa mga mambabatas ay isipin ang sakripisyo ng mga tulad ni dating pangulong Manuel Luis Quezon, kinikilalang “Ama ng WIkang Pambansa,” lalo na ngayong ginugunita ang anibersaryo ng kamatayan nito. 

“Dapat isipin natin ang kanilang mga sakripisyo upang itatag ang wikang pambansa. Ito ang susi para tayo ay umunlad,” ani Mendillo.

Matatandaang nauna nang inihayag ni Mendillo ang pagtutol niya sa pagsuspinde ng mother-tongue bilang wikang panturo mula kinder hanggang Grade 3 alinsunod sa mandato ng Republic Act 12027 o “Enhanced Basic Education Act of 2013."

Ayon sa kaniya, “[B]ilang isa sa mga commissioner, ako ay tutol do’n sa [RA]  12027. Gusto kong sabihin ‘yan sa personal kong kapasidad na hindi tama rin talaga na tanggalin ang mother-tongue based.” 

MAKI-BALITA: Mendillo, tutol sa pagsuspinde sa mother tongue bilang wikang panturo