January 06, 2026

Home BALITA Metro

Eskuwelahan sa Maynila, ninakawan sa kasagsagan ng suspensyon ng klase; 34 laptop, limas!

Eskuwelahan sa Maynila, ninakawan sa kasagsagan ng suspensyon ng klase; 34 laptop, limas!
Photo courtesy: Contributed photo

Tinangay ng tatlong lalaki at dalawang binatilyo ang mahigit 30 mga laptop sa loob ng faculty room sa isang eskwelahan sa Maynila.

Ayon sa mga ulat, kasama sa mga nilamas ang 30 laptop na mula sa Department of Education (DepEd) at dalawa pang personal na laptop ng mga guro.

Sinasabing sinamantala ng mga suspek ang suspensyon ng pasok noong mga nakaraang linggo at saka nila pinasok ang naturang faculty room.

Matapos madiskubre ang insidente ng pagnanakaw, agad umanong sumangguni sa mga awtoridad ang eskwelahan.

Metro

Updated! Road closures at re-routing ng mga sasakyan simula Enero 8, para sa Traslacion 2026

Sa pag-iimbestiga doon na raw tumambad sa mga awtoridad ang sirang door knob ng faculty room at butas sa pader sa likurang bahagi ng eskwelahan.

Samantala, sa hiwalay na pagroronda ng barangay sa paligid ng eskwelahan, isang barangay tanod daw ang nakakita sa limang mga lalaki na hindi kalayuan mula sa naturang paaralan na may dala-dalang mga sako. Nang sitahin niya ang mga ito, doon na raw sila nagtakbuhan.

Bunsod nito, doon na raw nagkasa ng follow-up operations ang mga awtoridad kung saan agad na nakalaboso ang mga suspek. Unang naaresto ang mga lalaking pawang nasa edad 19, 24 at 35 taong gulang habang sa kasunod na operasyon naman natimbog ang dalawang menor de edad na suspek na 15 at 17-anyos.

Batay sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, sinasangla o hindi naman kaya ay ibinebenta ng mga suspek ang kanilang mga nakaw na laptop.

Nasa pitong laptop na lang daw ang narekober sa kanila kung saan lima dito ang mula sa DepEd at dalawa ang personal na laptop ng mga guro.

Nai-turnover na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dalawang menor de edad habang nasa kustodiya na ng pulisya ang tatlo pang mga lalaki na nahaharap sa kaukulang kaso.

Inirerekomendang balita