Ang mga Pinoy ay kilala sa pagiging masiyahin at matapang, ano man ang unos na dumating. Pero marami pa rin sa atin ang takot sa multo, hindi yung literal na multo. Puwedeng multo ng nakaraan, multo ng panghihinayang, multo ng mas malaking oportunidad, o ano pa man.
Ngayong ‘Ghost Month,’ alamin kung ano nga ba ang mga epektibong paraan upang umpisahan ang Agosto nang walang pangamba at takot.
1. Agosto na, sunod na buwan ay ‘Ber’ months na, dapat ready ka na
Ang buwan ng Agosto ay ang huling buwan bago sumapit ang mga buwan ng Setyembre, Oktubre, Nobyembre, at Disyembre, o mas kilala sa collective term na ‘ber months.’
Maraming bagay ang dapat ika-excite tuwing sasapit ang ber months sapagkat ito ay espesyal sa ating mga Pilipino. Ilan sa mga ito ay ang pagbuhay ng mga kinalakihang mga tradisyon tulad ng piyesta, handaan, at mga selebrasyon.
Kasama rin ang pagdedekorasyon ng bahay gamit ang iba’t ibang palamuti na mas magpapabuhay sa ‘look’ nito. Hindi rin mawawala ang pagsa-shopping ng iba’t ibang mga bagay tulad ng damit na ating gagamitin sa mga selebrasyon at mga kaganapan.
Kasama rin dito ang ilang mga kagamitan at kasangkapan sa tahanan na magagamit sa pagkukumpuni, pagluluto, at pagpapaganda. Siyempre, hindi mawawala ang negosyo.
Gamitin ang pagsapit ng Agosto bilang pagkakataon upang makaisip ng mga business ideas na papatok sa madla. Sa paraang ito, makaiipon at makabibili na ng mga kakailanganing bagay sa mga susunod na araw.
Kung ninanais naman ng mas magandang ber months, nararapat na magsimula ito Agosto pa lang. Gawin itong kapaki-pakinabang at masagana sa saya, malayo sa takot at pangamba.
2. Agosto na, dapat natuto ka na
Ang Agosto ay ang ikawalong buwan ng taon. Sa nakalipas na pitong buwan, siguradong nakagawa ka ng mga kamalian, intensyonal man o hindi.
Sa mga pangyayaring ito, tanggapin na ang buhay at ikaw mismo ay hindi perpekto, at hindi maiiwasan ang mga ganiyang bagay.
Hayaan mo mangyari ang mga bagay-bagay matapos mong magdesisyon. Ngunit gamitin mo ang mga pagkakamaling ito upang mas maging kapaki-pakinabang na tao.
Hayaan mong matuto ka sa mga bagay na ito. Huwag kang magpatakot sa multo ng nakaraan, isipin mo na dapat kang mag-move forward matapos ang lahat ng nangyari.
3. Agosto na, dapat ang kalusugan ay siguradong maayos na
Hindi naman siguro lingid sa kaalaman ng lahat na nakaraang buwan ng Hulyo ay Nutrition Month.
Ipinagdiwang ng lahat ang kahalagahan ng malusog at maayos na nutrisyon noong nagdaang buwan. Ngunit kahit Agosto na, bitbitin ang mga karanasan at kaalamang napulot noon at subukang gawin ngayon.
Hindi ka lang dapat conscious sa katawan mo tuwing Hulyo, i-extend ito hanggang Agosto. Paano mo ito gagawin? Kumain ng prutas at gulay, uminom ng sapat na bilang ng baso ng tubig, at mag-ehersisyo.
Idagdag mo pa rito ang pagkakaroon ng sapat na tulog, pagpapanatili ng maayos na relasyon sa ibang tao, at paglayo sa mga negatibong bagay.
Siguraduhing malayo ka sa mga panganib ng karamdaman at hindi magandang “vibes” dahil ika nga nila, “Health is Wealth.” Ang iyong kalusugan ang iyong kayamanan, kaya kailangan mo itong pangalagaan.
5. Agosto na, dapat ‘lowkey’ ka na
Maraming buwan na ang nagdaan, marami ka na ring napagdaanan. Sa dami ng iyong karanasan, natutuhan mong alamin kung ano ba ang tama sa mali, ano ba ang dapat sa hindi dapat, at kung ano ba ang dapat unahin sa dami ng prayoridad.
Mahalagang matutuhan ng bawat isa ang mamuhay sa simpleng paraan, buhay na malayo sa takot at “pressure.” Maliwanag pa sa sikat ng araw na walang dulot na maganda ito sa buhay ng isang tao.
Mahalagang unawain na walang taong perpekto, at lahat ay mayroong “chaotic corners,” ngunit hindi ito sapat na basehan para maging miserable na ang buhay.
Gamitin ito bilang isang mekanismo ng mas magandang pagbabago at maging kapaki-pakinabang na tao.
Ilan lamang ito sa mga paraan kung paano nga ba sisimulan ang Agosto nang walang takot, malayo sa “expectations,” at “pressure” ng ibang tao. Simulan ang Agosto nang malayo ka sa iyong mga takot.
Vincent Gutierrez/BALITA