Isa sa mga tradisyong Tsino na ipinagdiriwang sa bansa, bukod sa Chinese New Year, Mooncake Festival, at Feng Shui, ay ang Ghost Month kung saan ipinagdiriwang ang espiritu ng mga namayapa.
Kilala rin bilang “Hungry Ghost Festival,” ang Ghost Month ay isang Taoist at Buddhist tradition na ayon sa Chinese folk legend, lumalabas ang mga espiritu mula sa impyerno para tumawid sa mundo ng mga buhay, pinaniniwalaan din na ang mga espiritu na ito ay ulila na at walang maayos na paggunita.
Pinagmulan
Ayon sa mga Taoist, ang hari impyerno na si Diguan, o kinikilala rin bilang “Official of Earth,” ay binubuksan ang pinto ng underworld para makabisita ang mga namayapa sa mundo ng mga buhay, kabilang ang mga malungkot at gutom na kaluluwa para makatanggap ng papuri at alay mula sa kanilang mga kamag-anak na naiwan sa mundo ng mga buhay.
Dagdag pa nila na sa ika-15 na araw ng buwan na ito sa Lunar Calendar ang pag-abswelto sa kanilang mga kasalanan.
Sa mga Buddhist naman, ipinagdiriwang nila ang araw na ito bilang “Ullambana” mula sa istorya ni Maudgalyayana, isang tagasunod ni Buddha at kilala rin sa pangalan na “Mulian” sa China.
Siya ay nag-alay ng mga pagkain sa miyembro ng Buddhist sangha, o komunidad ng mga Buddhist para matulungan ang kaniyang ina na makabalik sa mundo ng mga “Hungry Ghosts,” kung saan ito’y napatawan ng kagutuman bilang kaparusahan.
Makalipas ang ilang taon, inilaan ang ika-15 ng Agosto bilang pagkilala sa naging dalisay na pagmamahal ni Mulian sa kaniyang ina, at naging simula ng tradisyon na paga-alay sa mga yumao.
Dahil dito, naging laganap sa ibang pang bansa ang pagdiriwang at pagkilala sa mga namayapa sa pamamagitan, ngunit hindi limitado sa mga masigabo at pormal na ritwal, mga alay na papel at pagkain, at malalim na pagkilala sa mga naiwang alaala ng mga yumao para maiwasan itong manakit at magdulot ng kaguluhan sa mga tao.
Ilang bansa na gumugunita sa Ghost Month:
China
Sa ibang Buddhist temples tulad ng Wenshu Temple, maririnig ang chant ng mga monghe at kasabay nito ang mga alay at dasal kay Buddha at mga taga-sunod nito at ang paglisan ng mga espiritu sa purgatoryo at bad karma.
Sa mga handaan, tanyag na nasa hapag ang iba’t ibang putahe ng bibe, kung saan ayon sa isang teorya ay sinasakyan ng mga yumaong espiritu ang bibe para makatawid sa mundo ng mga buhay.
Bukod sa pagdiriwang para sa mga yumao, ang Ghost Month din sa China ay isang okasyon para mamili ng mga kasuotan ang mga magulang bukod sa kanilang Lunar New Year, mayroon ding mga palaro at mga suona performances, o pagtatanghal gamit ang isang tradisyonal na Chinese wind instrument.
Taiwan
Sa bansang Taiwan, isa sa mga kilalang templo na dinarayo ay ang Longshan Temple kung saan dinadagsa ito ng mga lokal at turista na nais makiisa sa selebrasyon, dito rin ay makikita at maririnig ang iba’t ibang dasal, chant, at pagsamba ng ilang opisyal ng templo at deboto.
Madalas din dito na mag-host ang ibang bahay, negosyo, o asosasyon ng kanilang sariling seremonya na kilala bilang “Zhongyuan Universal Salvation Ceremonies,” kung saan para magbigay-parangal sa mga espiritu o “good brothers” kung kanilang tawagin, sila ay may set-up ng mga altar na may mga karne, prutas, at bulaklak.
Isa pang tatak ng Ghost Month sa Taiwan ay ang mga tanghalan sa teatro at mga entabladong naka-set up sa mga kalsada, kung saan ang mga Street opera troupes ay nagpapakita ng dramatic storytelling sa kanilang makukulay na costume at tugtog, kung saan ito pinaniniwalaan itong entertainment at pagbibigay pagkilala sa mga diyos at espiritu ng mga yumao.
Singapore
Isa sa mga highlight ng selebrasyon ng Ghost Month sa Singapore ay ang mga live drama ‘getai’ performances o ang tradisyonal na entablado para sa mga opera at puppet performance, kung saan ang kanilang diyalektong gamit ay Hokkien, at sa kasalukuyan ay maririnig din ang pagpapatugtog ng mga bagong Chinese at maging Korean songs.
Mayroon ding tinatawag na e-Getai kung saan may mga malalaking tent na set up sa labas ng ilang residential na lugar kung saan maaaring panoorin ang mga pagtatanghal online.
Pilipinas
Sa Pilipinas, malapit sa mga tradisyong Tsina, nagsasagawa ng pag-aalay ng mga pagkain, at pagsusunog ng insenso at joss paper o ang tradisyonal na Chinese paper.
Ngunit bilang isang Katolikong bansa, makikitang nagbibigay-pagkilala ang karamihan ng Pilipino sa pamamagitan ng mga napreserbang pamahiin tulad ng pag-iwas sa pagpapagabi, pagre-reschedule ng mga mahahalagang okasyon tulad ng kasal, at pagsasantabi ng pagkain para sa patay.
Ang ilang mga gawi ng mga nabanggit na bansa para ipagdiwang ang Ghost Month ay isang pagkilala sa ilang siglong tradisyon na naipasa mula sa mga ninuno.
Nagpapakita ito ng makulay na kultura ng bawat bansa at ang paggalang sa mga alaalang iniwan ng mga pumanaw na.
Sean Antonio/BALITA