Kinumpirma ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na kasado na ang ₱20 kada kilo ng bigas sa buong bansa sa darating na Agosto 13.
Ibinahagi niya sa isang panayam ng Radyo Pilipinas na ang pag-arangkada raw nito ay para sa mga magsasaka sa ating bansa.
“An additional announcement, kasi gagawin na natin, by August 13, for our rice farmers, we will start selling ₱20 rice to our rice farmers. Kaya ‘yon ‘yong isang tulong natin, mababang presyo ng palay. At least, maka-avail naman sila ng murang bigas,” anang Laurel Jr.
Ayon pa sa kalihim, handa at nakatuon ang kagawaran sa pagpapataas ng produksyon ng lahat ng mga produktong pang-agrikultura.
“Definitely, the Department of Agriculture (DA) is committed to increasing the production of all our agricultural commodities. Pababain din ang presyo sa merkado for our consumers,” aniya.
Nilinaw rin niyang nasusunod naman ng kagawaran ang lahat ng kanilang plano, asahan lamang daw na mararamdaman sa darating na Pasko ang “fruits of labor” nito.
Vincent Gutierrez/BALITA