Pinag-iingat ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Secretary Gilbert Cruz ang mga social media users laban sa pagpapaskil ng "it's complicated" relationship o indikasyon na naghahanap ng romantikong relasyon.
Ito ay upang hindi mabiktima o maging target ng mga tiwaling indibidwal na sangkot sa dating o love scams.
Sa kaniyang pagdalo sa buwanang Balitaan ng MACHRA sa Harbor View ng Manila City Hall Reporters' Association noong Miyerkules, Hulyo 30, sinabi ni Cruz na ang pagpu-post ng "its complicated" o anumang indikasyon na ang isang tao ay naghahanap ng romantikong relasyon ay karaniwang nakikita bilang prospective victims ng scammers.
Pinayuhan din naman niya ang mga netizens na maging mapagmatyag laban sa mga red flags, gaya ng pagbibigay ng mga ito ng mga larawang sobrang ganda o sobrang guwapo o di kaya ay yaong maituturing na "too good to be true."
Babala ni Cruz, karaniwan sa mga identidad o larawang ipinapadala ng scammers sa kanilang bibiktimahin ay hindi kanila. Pag-aaralan din aniya ng mga ito ang kahinaan ng biktima at gagawa ng mga pamamaraan upang mahikayat ang mga ito na makipagrelasyon sa kanila at tuluyan silang matangayan ng pera.
Ayon pa sa PAOCC chief, base sa kanilang imbestigasyon, ang mga love scammers ay gumagamit din ng psychology at folderized profiles ng mga taong madaling mabiktima.
Base rin aniya sa isinagawa nilang profiling, sinabi ni Cruz na ang karaniwang tinatarget ng mga love scammers ay social media account holders na retired na, pensioners at yaong nasa 35 taong gulang pataas.