Patay ang isang tatlong taong gulang na batang lalaki matapos siyang magulungan ng road grader sa Buenavista, Guimaras.
Ayon sa ulat ng Balitanghali ng GMA News nitong Huwebes, Hulyo 31, 2025, nakaangkas ang biktima sa motorsiklo na minamaneho ng kaniyang ama sa Barangay Umilig nang bigla silang tumigil matapos matanaw ang paparating at kasalubong na road grader.
Habang nakahinto sa gilid ng kalsada ay bigla umanong nawalan ng balanse ang ama ng biktima matapos daw itong makatapak ng bunga ng niyog, dahilan upang sila ay magtaob sa kalsada.
Lumalabas sa imbestigasyon na sumakto sa pagdaan ng road grader ang pagsemplang ng motorsiklo na sinasakyan ng mag-ama kung saan agad na nagulungan ang batang biktima.
Sinubukan pa raw siyang isugod sa ospital ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Samantala, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver ng nasabing road grader na mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.