Sugatan ang isang 39 taong gulang na lalaki matapos siyang tagain sa ulo ng kaniyang kainuman sa Nueva Vizcaya.
Ayon sa mga ulat, nagbigay daw ng payo ang biktima sa 21-anyos na suspek bago mangyari ang krimen. Lumalabas sa imbestigasyon na maayos pa raw na inakbayan ng biktima ang suspek at saka pinayuhan hinggil sa panggugulo nito at pagwawala sa tuwing nakakainom.
Hindi raw umimik ang suspek at kalaunan ay umuwi. Matapos ang ilang sandali, muli raw bumalik ang suspek na may dalang itak. Sa likuran daw ng biktima dumaan ang suspek at saka ito tinaga sa ulo.
Agad na napuruhan ang biktima habang mabilis namang tumakas ang suspek.
Nasa ospital na ang biktima na nasa maayos na kondisyon habang nasakote na umano ng pulisya ang suspek na sinubukan pang magtago matapos tumakas sa crime scene.