Nauwi sa trahedya ang dapat sana’y araw ng kasal ng isang 57 taong gulang na lalaki matapos maaksidente ang sinasakyan nilang minivan ng kaniyang groomsmen sa Australia.
Ayon sa ulat ng ilang international news outlet, nangyari ang aksidente noong Miyerkules, Hulyo 30, 2025 kung saan nahulog umano sa pababang bahagi ng gilid ng kalsada ang minivan na sinasakyan ng mga biktima.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nagpaikot-ikot daw ng pitong beses ang nasabing minivan pababa ng gilid ng kalsada kung saan dalawa ang naiulat na nagkritikal habang apat naman ang naitalang nagtamo ng minor injuries.
Kinailangan pa raw gumamit ng helicopter ang rescue team upang mailabas ang groom mula sa sasakyan matapos siyang magtamo ng limb injuries at saka dinala sa ospital.
Isang lalaki pa raw ang kinailangan ding isakay sa chopper matapos din siyang magkritikal bunsod ng natamong head injuries.
Hinala ng pulisya, may kinalaman ang sama ng panahon sa nangyaring aksidente sa mga biktima. Madulas at marumi raw ang kalsada at wala ring harang na barriers ang gilid nito, dahilan upang maging prone ito sa aksidente.
Nakatada ring isailalim sa alcohol at blood testing ang driver ng minivan upang matukoy kung may kinalaman ito sa nasabing aksidente habang nagsasagawa rin sila ng hiwalay pang imbestigasyon sa posible umanong sanhi pa ng pagkahulog nila mula sa daan.