Nakatakdang isagawa ang isang memorial service sa Basilica of San Gaudenzio, Novara, Italy, sa Biyernes, Agosto 1, para sa Barbie doll designers at collectors na sina Mario Paglino at Gianna Grossi na namatay sa isang head-on collision accident sa Northern Italy, noong Linggo, Hulyo 27.
Sa social media post ng Barbie, nagpahayag ito ng pakikiramay at parangal sa kanilang mga talentadong manlilikha.
“Barbie mourns the loss of two treasured artists whose work has forever shaped the world of dolls. Mario and Gianni, you will be missed. ,” saad sa caption nito.
Bilang pag-alala, nag-iwan ng legasiya ang likha ng dalawa na naging parte ng pagkabata ng karamihan sa buong mundo.
Magia2000
Binuo ni Paglino, isang fashion designer at Grossi, isang graphic art director ang Magia2000 noong 1999.
Mula United States of America (U.S.A.), Russia, Japan, at Europe, nakilala sila bilang unang doll designers na bumyahe sa iba’t ibang parte ng mundo dala ang kanilang Italian high fashion-inspired dolls na pasadya para sa mga malalaking brand at pangalan sa industriya ng fashion at design, tulad ng Mattel na isang multinational and entertainment company na kilala sa likha nitong “Hot Wheels” at “Barbie.”
Isa sa mga tanyag na espesyal na proyekto nito kasama ang Mattel ay ang “The Black Barbie Issue,” para sa “Black History Month.”
Custom-made dolls
Bukod dito, kinilala rin ang kanilang mga custom-made dolls ng ilang Hollywood Stars tulad nina Victoria Beckham, Lady Gaga, Sarah Jessica Parker, at Madonna.
Ang mga ito ay na-feature rin sa maraming fashion at collectors magazine tulad ng Vogue, Vanity Fair, at Cosmopolitan.
Trahedyang pagpanaw
Isang aksidenteng head-on collision ang hindi inaasahang bumawi sa buhay nina Paglino at Grossi sa A4 Turin-Milan highway.
Ayon sa mga ulat, sumalubong sila sa isang sasakyan na ipinagmamaneho ng isang 82 taong gulang kung saan ito’y nagmamaneho sa maling linya mula sa isang toll booth, namatay rin dahil sa impact ng kolisyon.
Napabalita ring may isa pang pasahero sila na kasamang nasawi habang ang isa nama’y nakaligtas ngunit nasa kritikal na kondisyon.
Sean Antonio/BALITA