Umaming umiyak sa hotel room ang aktres na si Alma Moreno matapos ang viral interview ni Karen Davila sa kaniyang programang “Headstart” sa ABS-CBN News Channel noong taong 2015 para sa kaniyang pagtakbo bilang senador sa 2016 National Elections.
Sa kamakaila’y interview ng direktor na si Ronald Carballo kay Moreno sa vlog nito, nagkumustahan ang dalawang batikan sa showbiz, at isa sa mga paksang nadaanan ay ang senatorial interview ni Davila kay Moreno noong 2015.
“Yung nangyari sa inyo ni Karen na ininterview parang pinahiya ka, napahiya ka, ano naramdaman mo no’n,” pag-intriga ni Carballo sa naturang paksa.
“Iniyak ko ‘yon. Siguro kasi nasasagot ko pero dinidiin eh. Inikot-ikot ako so na-rattle ako,” saad ni Moreno.
Idinagdag din nito na noong mga panahong iyon, nag-check in ito sa hotel ng 3 araw kasama ang mga anak.
Sa nasabing interview, sinagot ni Moreno ang mga katanungan ni Davila tungkol sa ilang isyung pambansa tulad ng same-sex marriage, Anti-discrimination bill, at Reproductive Health (RH Law), at ang mga sariling adbokasiya sa kaniyang pag-upo sa senado.
Ang mga naging kasagutan at komento niya sa mga isyung ito ang isa sa mga dahilan para umani ito ng iba-ibang reaksiyon mula sa mga netizen na karamihan ay katatawanan at pangungutya, bukod pa sa tila paga-alinlangan sa paghahayag ng sagot.
“Pag discrimination kasi lahat nakikita ko. Iba-iba ang klase ng discrimination, diba? Sa kababaihan lang, pag sinabihan kang ‘bobo ka,’ discrimination ‘yon. So, kailangan magkaroon tayo ng batas na ipaglaban ‘yon,” kaniyang sagot sa tanong kung paano mas mapagbubuti ang kapakanan ng miyembro ng LGBTQ community at kung paano sinusuportahan ang Anti-discrimination Bill.
“Kailangan laging bukas ang ilaw kapag natutulog,” pagbibiro naman nitong pagsagot sa tanong kung dapat bang gastusan ng gobyerno ang mga contraceptives tulad ng birth control at condom.
Sa kabila nito, nilinaw rin ni Moreno sa kamakailang vlog na wala siyang sama ng loob sa mamamahayag nang tanungin kung napatawad na niya ito at kung may naiwan pang galit pagkatapos ng nasabing interview.
Sean Antonio/BALITA