Bago pa man tuluyang magbukas ang 20th Congress, nauna nang umarangkada ang mga senador at kongresista na magpasa ng mga panukalang batas na bagama’t ang ilan ay hindi na bago sa pandinig ng taumbayan—ay naging laman pa rin ng diskusyon at usap-usapan.
May mga baguhan, nagbabalik at nagpapatuloy mang mga mambabatas ang ngayo’y nakasalang na sa 20th Congress, ilan sa kanila ay binuhay na ang mga isyu o usaping tila matagal nang nakatengga sa Senado at Kamara—mga panukalang batas na akyat-baba at hindi makatuloy sa lamesa ng ilang Pangulong nagdaan.
Nito lamang mga nakaraan, ilang mga panukalang batas ang gumawa ng ingay sa social media bago pa man ito umusad at buksan sa mababa at mataas na kapulungan.
Anti-Dynasty Bill
Ilang kongreso na ang nagdaan, ngunit nananatiling mailap na umusad ang panukalang batas naglalayong tuldukan na ang naghahari-hariang mga dinastiya ng mga magkakamag-anak na politikong nagsaluhan at nagsunod-sunod sa puwesto.
Ngayong 20th Congress, parehong Senado at Kamara ang nagsusulong ng anti-dynasty bill. Nakatakda nitong banggain ang tinatayang 80% ng dinastiya mula mismo sa Kamara at tinatayang 50% magkakapamilya sa local government.
Divorce Bill
Muli ring nagtatangkang makalusot sa isang konserbatibong bansa na katulad ng Pilipinas ang divorce bill na siyang tuluyang nagpapawalang bisa sa kasal.
Kaugnay nito, matatandaang nauna nang iginiit ng Palasyo na hindi pa raw nagpapahayag ng kahit na anumang tindig o posisyon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa usapin ng divorce.
Sa ilalim ng Divorce, bagama't kinikilala nito na "valid" ang "marriage" ng mag-asawa, pinahihintulutan nito ang batas na tuldukan na ang kasal at pagsasama ng mag-asawa habang ang annulment naman ang nagdedeklara ng pagsasawalang bisa ng kasal matapos na mapatunayan na "invalid" ang marriage ng mag-asawa mula umpisa.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, dedma pa sa isinulong na Divorce Bill sa Kamara
Wage Hike Bill
Naunsyami man bago ang pagsasara ng 19th Congress, muli namang inilalakad sa Kamara at Senado ang panukalang dagdag sa buwanang sahod ng mga manggagawa mula sa pribadong sektor.
Matatandaang bago magtapos ang sesyon ng Senado at Kamara noong nakaraang Kongreso, naiwang nakabinbin ang isyu ng wage hike bill matapos na hindi magkasundo ang magkaibang bersyon ng dalawang kapulungan sa halaga ng dagdag sa sahod na kanilang isinuslong.
Parents Welfare Act
Sa pagbabalik ni Sen. Ping Lacson sa Senado, binitbit niya ang isang panukalang batas na naglalayong maparusahan sa batas ang mga anak na mag-aabandona raw sa kanilang mga magulang. Isang panukalang hindi lamang inalmahan ng mga nakababatang henerasyon, ngunit maging ng mga magulang.
Saad ng karamihan, hindi umano maaring ipasa sa mga anak ang obligasyon ng mga magulang, lalo na’t magkakaiba ang relasyon at sitwasyon ng bawat tahanan upang habulin pa ng batas na pamahalaan.
KAUGNAY NA BALITA: Sey ng netizens: ‘Parents Welfare Act’ ni Lacson, pang-retirement plan lang daw?
Lowering of age of criminal liability
Nahati rin ang pananaw ng marami sa panukalang batas ni Sen. Robin Padilla na amyendahan ang Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 na ibaba sa edad 10 hanggang 17 taong gulang ang maaaring maparusahan sa batas. Kasunod ito ng mga naitatalang karumal-dumal na mga krimen ng pagpatay at pagnanakaw na kinasasangkutan ng kabataan.
Ilan lamang ang mga ito sa mga panukalang maagang gumawa ng ingay at pinagpiyestahan sa social media. Ikaw ka-Balita, anong panukala ang kumuha sa atensyon mo?