Ibinunyag ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Director Secretary Gilbert Cruz na nasa anim na indibidwal na ang naitala nilang nagpatiwakal dahil umano'y pangha-harass ng mga illegal online lending companies.
Sa kaniyang pagdalo sa buwanang Balitaan ng MACHRA sa Harbor View ng Manila City Hall Reporters Association noong Miyerkules, Hulyo 30, sinabi ni Cruz na mayroon na silang naitala na anim na katao na nagpasyang wakasan ang sariling buhay bunsod ng labis na kahihiyan na inabot mula sa pangha-harass sa paniningil ng mga online lending companies.
Kabilang na aniya sa mga naturang harassment ay ang pagpapadala ng mga email at text sa kanilang mga contacts upang ipahiya sila sakaling hindi makabayad ng utang, pagpapaskil ng malalaswang larawan at iba pa.
Tumanggi naman na si Cruz na tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga biktima ng online lending na nagpatiwakal.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Cruz ang pangangailangan na tuluyang ma-expose at madurog ang operasyon ng mga naturang illegal online.
Umapela rin siya sa media at sa publiko na makipagtulungan upang tuluyan nang matigil ang mga ito.
Tiniyak naman ni Cruz na gumagawa sila ng mga pamamaraan upang masawata ang naturang ilegal na gawain.
Sa parehong forum, sinabi rin ng PAOCC chief na mas malaki ang epekto ng online lending apps sa mga Pilipino.
“‘Yong OLA [online lending apps], sa tingin ko, mas malaki ang epekto nito sa mga Pilipino dahil ang tinatamaan dito e mga Pilipino. Imagine, may mga nagpapakamatay na, nasisirang pamilya,” saad ni Cruz.
Dagdag pa niya, “‘Yong sa POGO kasi, karamihan ang nagiging nabibiktima mga foreign countries, e; hindi mga Pilipino. Dahil scamming, love scam, investment scam.”
MAKI-BALITA: Online lending apps, mas matindi ang 'hagupit' sa mga Pilipino kumpara sa POGO
Matatandaang sa isang panayam noong Hunyo ay iniulat ni PAOCC Spokesperson Winston Casio ang reklamanong natatanggap ng komisyon mula sa mga biktima ng mapang-abusong online lending apps.
MAKI-BALITA: Abusadong online lending apps, konektado sa POGO —PAOCC
Kilala ang PAOCC bilang ahensyang tumutugis sa POGO. Ngayon naman, tinatarget nila ang mga nasa likod ng online gambling at online lending apps.