Patay ang isang 75 taong gulang na babae matapos umano siyang paratangang mambabarang sa Bukidnon.
Ayon sa mga ulat, isaang 37-anyos na lalaki ang siyang suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa biktima.
Batay sa imbestigasyon, iginiit umano ng suspek na binarang siya ng biktima kaya napilitan siyang atakihin ito.
Kumuha raw ng isang tangkay mula sa puno ng niyog ang suspek at saka inihataw ito nang paulit-ulit hanggang sa nawalan ng malay.
Matapos mawalan ng malay, saka raw tinambakan ng suspek ang katawan ng biktima ng mga pinaghalo-halong mga tuyong dahon at saka sinilaban, dahilan upang tuluyang mamatay ang biktima.
Samantala, matapos ang krimen, sumuko raw kalaunan ang suspek sa mga awtoridad.
Hinala ng pulisya, wala umano sa tamang pag-iisip ang lalaki nang gawin ang krimen lalo na’t minsan na rin daw itong nalulong sa paggamit ng ilegal na droga. Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso.